BOGOTA (AP) – Binuksan ng gobyerno ng Colombia ang unang shelter nito para sa dumaraming Venezuelans na tumatawid sa hangganan para makatakas sa krisis sa ekonomiya ng bansa.
Ang shelter na binuksan nitong Sabado ng gabi malapit sa border city ng Cucuta ay magkakaloob ng masisilungan ng hanggang 48 oras para sa 120 katao bawat araw. Ipaprayoridad ang mga buntis, matatanda at bata na legal na pumasok sa bansa. Pamamahalaan ito ng Red Cross.
May 35,000 Venezuelans ang tumatawid sa Colombia bawat araw, karamihan sa kanila ay nanunuluyan sa mga kamag-anak o bumibili ng mga pagkain at gamit na salat sa kanilang bansa.