Nina ELLALYN DE VERA-RUIZ at AARON B. RECUENCO

Mariing itinanggi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na expired ang ilan sa relief goods na ipinamamahagi sa mga bakwit sa Albay dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.

Sinabi ni DSWD OIC Secretary Emmanuel Leyco na nakipag-usap na siya kay DSWD-Region 5 Director Arnel Garcia tungkol sa ulat ng umano’y expired na relief goods na ipinamamahagi sa mga bakwit.

Batay sa report ng DSWD-Bicol, sinabi ni Leyco na ang lahat ng relief goods na ibinibigay sa mga pamilyang apektado sa pag-aalburoto ng Mayon ay mae-expire sa 2020.

Internasyonal

Pope Leo XIV, may Instagram na: 'Peace be with you all!'

Sinabi rin niyang ipinamamahagi ng DSWD ang relief goods tatlong buwan bago ang expiration date ng mga ito.

“We distribute these through our food-for-work program wherein DSWD provides family food packs in exchange for the work carried out by the beneficiaries. I am sure that relief goods being distributed by DSWD are not expired because that is not acceptable. And if there are indeed, rest assured that we will immediately act on it,” sabi ni Leyco.

Noong nakaraang linggo, nagtungo sa Albay si Leyco upang personal na makita ang kondisyon sa mga evacuation center at kumustahin ang sitwasyon sa pamamahagi ng relief goods.

“In our assessment, our supply of relief goods is still enough and we are not calling for donations. The situation is stable and manageable,” ani Leyco.

Naglabas nitong Biyernes ang DSWD-Bicol ng karagdagang 34,592 family food pack na nagkakahalaga ng P13,905,984 para sa walong munisipalidad sa Albay.

KUMAKALMA NA?

Samantala, tuluy-tuloy na nagpapakita ng mga senyales ng pagkalma ang Bulkang Mayon sa nakalipas na tatlong araw, ngunit sinabi ng mga volcanologist na mahalagang matiyak muna ang consistency ng nakukuha nilang datos, batay sa kanilang mga instrumento, upang makumpirma ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) kung bumabalik na nga sa normal ang sitwasyon ng bulkan—o manggugulat na lang ito isang araw sa biglaang pagsabog.

Ayon kay Ed Laguerta, Phivolcs resident volcanologist, kabilang sa mga sinusubaybayan nilang datos ang pagbabawas ng pagbuga ng sulfur dioxide mula sa bunganga ng bulkan, gayundin ang napaulat na one millimeter deflation sa gilid ng hilagang bahagi ng Mayon.

Nangangahulugan ito na nababawasan na ang pressure sa loob ng bulkan, at hindi na nadadagdagan ang supply ng magma nito.