UNANG nalathala ang Manila Bulletin sa porma ng apat na pahinang pahayagan noong Pebrero 2, 1900, nakatuon sa shipping at iba pang impormasyong pangkalakalan sa bansa. Para sa amin sa Bulletin, akma ang araw na ito upang balikan ang aming simula na sumabay sa makasaysayang pakikipagsabayan ng Pilipinas sa modernong mundo makalipas ang tatlo at kalahating siglo ng pananakop ng mga Espanyol.
Ito rin ang araw na mainam na gunitain kung paanong sumulong ang Bulletin kasama ang iba pang mga institusyon sa bansa sa masalimuot na panahon na nagsisimula pa lamang tumayo sa sariling mga paa ang mga Pilipino bilang isang nagsasariling bansa — na sinundan ng pananakop naman ng mga Amerikano sa sumunod na apat na dekada, na binulabog ng pagsalakay ng mga Hapon noong 1941 at pananakop din sa bansa sa sumunod na tatlong taon, hanggang sa kilalanin ng mga Amerikano ang kalayaan ng Pilipinas noong 1946, at nagsalin-salin na ang mga administrasyon ng Pilipino sa Pilipinas sa sumunod na pitong dekada.
Ang buong panahong ito ay sinaksihan at iniulat ng Manila Bulletin, nalathala sa mga pahina nito, at nag-ambag upang maihugis ang bansa sa kung ano ito ngayon — isang demokratikong republika na may malayang pamamahayag na walang katulad sa mundo.
Sa kasalukuyan, ang mga mamamahayag ay nananatiling matatag na tagapagtanggol ng kalayaan at progreso sa ating bansa. Nakikita rin natin ang kalayaang ito sa iba pang panig ng mundo. Kasabay nito, nasasaksihan din natin ang banta sa malayang pamamahayag sa ibang bansa, kung saan nililimitahan ito ng ibang pamahalaan, sa pangambang hindi makayanan ang isang lipunan ng mamamayang may sapat na kaalaman at nakababatid sa kanilang mga kaalaman.
May bagong panganib sa larangang ito ng malawakan at malayang impormasyon, na nagbunsod upang magsalita laban dito si Pope Francis habang kausap ang mga nangagtipon sa St. Peter’s Square sa Vatican noong Enero 24. Binanggit niya ang kabuktutan ng “fake news”, ang pagpapakalat ng maling balita “to advance specific goals, influence political decisions, and serve economic interests.” Ang mga maling balita, aniya, ay mabilis na kumakalat at nagdudulot ng mga may kinikilingan at walang basehang ideya. Kinondena ng Santo Papa ang “manipulative use of social networks” at ang iba pang uri ng komunikasyon. Ang tungkulin ng mga mamamahayag na tuldukan ang fake news, ayon sa kanya, ay “not just a job; it is a mission.”
Naging popular sa mundo ang terminong “fake news” dahil sa paggamit dito ni United States President Donald Trump upang ilarawan ang anumang negatibong ulat tungkol sa kanya at ginamit na rin ito ng iba pang mga pinuno sa mundo laban sa oposisyon sa kani-kanilang bansa. Ito ang gawa-gawang ulat na hindi dapat na nakalusot sa mapanuring paningin ng mga responsableng mamamahayag at editor.
Sa 118 taon ng Manila Bulletin, naipakilala nito ang pahayagan na ilang beses na masusing bineberipika ang katotohanan sa lahat ng ulat nito hindi lamang upang makaiwas sa kasong libelo kundi upang maiwasan ang hindi makatwiran na pagtrato sa mga sangkot sa balita, nasa pamahalaan man sila o wala. Mayroong mga pahayagan na nakilala sa kanilang pagpapalaki sa mga balita, na nakahihimok naman ng mga mambabasa, subalit nakilala ang Bulletin sa paghahatid ng mga konserbatibo ngunit solidong impormasyon na hindi madadaan sa mga maeskandalong titulo, dahil tanging ang katotohanan at kabuluhan ng balita ang pinagtutuunan.
Sa ika-118 anibersaryo ng Manila Bulletin ngayong araw, muli naming binibigyang-diin ang pangakong tutupad sa aming misyon ng pagkakaroon ng malayang pamamahayag sa ating bansa, at paghahatid ng impormasyon sa publiko upang higit silang maging epektibong mamamayan ng demokrasya. Kami at ang iba pang kasapi ng malayang pamamahayag sa Pilipinas ay binibigyang-proteksiyon ng Konstitusyon: “No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances.”
Labis naming pinahahalagahan ang kalayaang ito at nangangakong ipaglalaban at paninindigan ito sa mga susunod na taon, na tiwala kaming magiging kasing makabuluhan at makasaysayan — marahil ay higit pa — tulad ng nakalipas na 118 taon.