Nina BELLA GAMOTEA at GENALYN KABILING, at ulat ni Dhel Nazario
Nailipat na kahapon ng tanghali sa Pasay City Jail si dating Bureau of Customs (BoC) Commissioner at bagong Office of Civil Defense (OCD) Nicanor Faeldon mula sa Senado, kung saan siya nakapiit simula noong Setyembre 2017 makaraang ma-contempt.
Mismong ang mga tauhan ng Office of Sergeant-at-Arms ng Senado ang nagdala kay Faeldon sa loob ng male dormitory ng Pasay Jail dakong 12:02 ng tanghali, matapos ang pormal na koordinasyon sa pamunuan ng piitan.
Mistulang celebrity pa na pinagkaguluhan ng mga bilanggo at mga dalaw ang pagdating ni Faeldon, na malapad ang pagkakangiti habang nakasuot ng itim na T-shirt na nasusulatan ng “Truth is Justice”, sa Pasay City Jail.
Lunes nang iutos ng Senate Blue Ribbon Committee ang paglilipat ng piitan kay Faeldon mula sa Senado, matapos na magkainitan sa pagdinig ang dating komisyuner at si Senador Richard Gordon, chairman ng komite, kaugnay ng umano’y katiwalian sa tara system sa BoC.
Gayunman, hindi natuloy ang paglilipat kay Faeldon sa male dormitory ng bilangguan dahil umano marumi at mabaho sa lugar, at sinasabing posibleng magkasakit doon ang dating komisyuner.
WALANG SPECIAL TREATMENT
Sinabi ni Senior Insp. Orlando Alicante, deputy director ng Pasay City Jail, na ilalagay si Faeldon sa cuerna, sa ikalawang palapag, kung saan may sarili itong selda at walang kasama, para na rin umano sa kaligtasan ng opisyal.
Ayon kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Spokesperson Xavier Solda, walang bintana at napakainit sa pagkukulungan kay Faeldon.
“Eksakto lang na ikaw ay hihiga, tatayo, at meron lang ho sigurong dalawang dangkal na espasyo na puwede kang umikot. ‘Yun lang,” sabi ni Solda.
“Wala pong special treatment sa pag-detain sa dating Customs commissioner,” sabi naman ni Alicante. “Siya ay pangkaraniwang detainee dito po sa aming piitan.”
Una nang nagkasundo ang mga senador na panatilihing in contempt at patuloy na idetine si Faeldon, pero sa halip na sa Senado ay ipinalipat ito sa karaniwang piitan sa Pasay, dahil na rin sa pagmamatigas at sa inasal nito sa pagdinig nitong Lunes.
SA KULUNGAN MAG-OOPISINA
Tumanggi naman ang Malacañang na makialam sa paglilipat sa OCD deputy administrator, sinabing maaari namang mag-opisina si Faeldon kahit nasa loob ng kulungan.
“He is appointed to OCD, which is a policy making body, so our position is he can perform his tasks wherever he may be, even in jail,” sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa press conference sa Marawi City.
Nang tanungin kung makikialam ang Malacañang sa kaso ni Faeldon, sinabi ni Roque: “We have never intervened in the legislative process. I don’t think the President will begin now.”