Ni ROMMEL P. TABBAD

Ibinunyag kahapon ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta na may mga pumipigil sa mga kamag-anak ng mga batang namatay sa dengue na naturukan umano ng Dengvaxia vaccine na isailalim sa autopsy ang kanilang mga bangkay.

Sinabi ni Acosta na nakatanggap siya ng report mula sa Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na may naninira sa PAO sa mga magulang ng mga nasawing bata para mahikayat sila na huwag na silang ipa-autopsy.

Ginagawa umano ito upang hindi mabisto ang dahilan ng pagkamatay ng mga bata, sabi ni Acosta.

Probinsya

Pagpapapako ni Ruben Enaje sa krus, matutuldukan na ngayong taon?

Kinumpirma rin niya na may nadagdag sa listahan ng mga batang namatay dahil umano sa kontrobersyal na bakuna.

Sinabi ni Acosta na batay sa datos ng VACC, tatlo pang bata galing sa mga probinsya ng Quezon, Laguna at Nueva Ecija ang pinaghihinalaang namatay matapos maineksiyunan ng Dengvaxia.

Umapela si Acosta sa pamahalaan na huwag nang magsisihan at akuin ang responsibilidad sa kontrobersiya.

Tinigil ng pamahalaan ang pagbakuna ng mga kabataang nag-aaral matapos maglabas ang advisory ang gumawa ng Dengvaxia na Sanofi Pasteur na maaaring makasama ang vaccine sa mga batang hindi pa nagkakasakit ng dengue.