Ni Marivic Awitan

MULING nakabalik sa winning track ang defending champion Far Eastern University -Diliman makaraang pataubin ang Adamson, 72-71,kahapon sa UAAP Season 80 juniors basketball tournament sa Filoil Flying Very Centre sa San Juan.

Nakuha ng Baby Tamaraws ang panaloi mula sa matikas na laro ni Daniel Celzo at sa all around effort nina L-Jay Gonzales at RJ Abarrientos.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Umiskor si Celzo ng career-high 17 puntos upang pamunuan ang panalo na nagluklok sa kanila sa solong ikatlong puwesto taglay ang markang 6-5.

Nakakalamang ng 12-puntos, 61-49,muntik pang nasilat ang Baby Tamaraws matapos makadikit ng Baby Falcons sa pamumuno ni Joem Sabandal , 71-72 may 4.9 segundo pang nalalabing oras sa laro.

Ngunit, naging mahigpit ang depensa ng Baby Tanaraws sa krusyal na yugto upang mapreserba ang panalo.

Tumapos si Gonzales na may 15 puntos, 9 rebounds, 4 assists, at 2 steals habang nagtala naman si Abarrientos ng 16 puntos, 7 assists, 5 rebounds, at 2 steals.

Bunga ng kabiguan, bumaba ang Adamson sa sixth spot hawak ang barahang 5-6.

Nauna rito, pinataob ng Ateneo de Manila High School ang kanilang archrival De La Salle Zobel, 93-73, para sa ika -11 sunod nilang panalo.

Nanguna sa panalo si SJ Belangel na may 21 puntos kasunod si Kai Sotto na may 16 puntos, 6 rebounds, 3 blocks, at 2 assists at si Joaqui Manuel na may double-double 14 puntos at 10 rebounds.

Dahil sa kabiguan, bumagsak ang Junior Archers sa kartadang 3-8.