Ni AARON B. RECUENCO

LEGAZPI CITY – Magkakahalong ingay ng iba’t ibang heavy equipment at truck ang maririnig noon sa quarrying site malapit sa six-kilometer permanent danger zone sa Legazpi City, Albay.

Pero wala na ang mga ito ngayon—natakot marahil ang mga obrero sa dumadagundong na tunog mula sa Bulkang Mayon tuwing magbubuga ito ng abo, gas, at lava na lumilikha ng makapal na ulap sa himpapawid na para ba ng eksena ng pagsabog ng bombang nukleyar.

May dahilan silang lahat upang mangamba bukod sa nakakatakot na pag-atungal ng bulkan, dahil ang lugar na dati nilang pinagtatrabahuhan ay isa ngayon sa mga lugar na tinatambakan ng delikadong pyroclastic materials na nagmumula sa Mayon.

National

Davao Occidental, niyanig ng magnitude 4.2 na lindol

Natiyempuhan ng Balita ang isa sa mga pagsabog ng Mayon habang nasa danger zone, at ang dagundong na nalikha ng bulkan ay maikukumpara sa sabay-sabay na pagliliparan ng mga eroplano sa himpapawid—at tunay na nakakatakot ito.

Isang araw bago ito, tone-tonelada ng pyroclastic materials na aabot sa 1,000 degree Celsius ang init ang ibinuga ng Mayon at ang ilan dito ay umabot sa limang kilometro mula sa bunganga ng bulkan.

Ito ang dahilan kaya pinalawak ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa walong kilometro ang danger zone, habang nakataas pa rin ang Alert Level 4.

Gayunman, hindi natatakot si Renato Menya. May panahong sumabog ang bulkan at nagkataong nasa loob siya mismo ng six-kilometer permanent danger zone sa Barangay Mabinit.

“Pinapakain ko ang mga baka ko roon. Huli ko silang pinakain kahapon pa, kaya kailangang bumalik ako,” kuwento ni Menya habang kaswal na naglalakad pauwi sa kanyang bahay na nasa loob ng eight-kilometer danger zone.

Aniya, nasanay na rin siya sa madalas na pagdagundong ng Mayon, marahil dahil malapit sa paliparan ang kanyang bahay.

Gayunman, inamin niyang labis siyang natakot sa pagsabog ng bulkan nitong Lunes dahil nagkataong nasa loob siya ng permanent danger zone.

“Sobra talaga ang lakas ng tunog, at lumindol pa. ‘Di ko alam kung naramdaman ‘yun sa City proper, pero natakot talaga ako sa kumbinasyon ng tunog at ‘yung lindol,” kuwento ni Menya.

Simula nitong Martes ay natukoy ng mga volcanologist ang pattern sa pagsabog ng bulkan, na nangyayari kada apat hanggang limang oras.

Ayon kay Menya, sinasamantala niya, kasama ang 19 pa niyang mga kaibigan at kapwa magsasaka, ang panahon pagkatapos sumabog ng Mayon upang makabalik sila sa danger zone.

“Pagkatapos na pagkatapos ng pagsabog, papasok na kami kaagad (sa danger zone) para pakainin ang mga baka namin, at ayusin ang aming mga tanim,” ani Menya.

Sa salaysay ni Menya ay makukumpirma ang nga ulat na marami pa ring residente ang nagpipilit na bumalik sa danger zone sa kabila ng paulit-ulit na babala ng mga awtoridad. Ito marahil ay dahil walang mga pulis at sundalong humaharang sa mga residente at turista sa pagpasok sa danger zone, sa bahagi ng mga barangay ng Mabinit at Buyuan.

Hanggang kahapon, aabot na sa mahigit 72,000 indibiduwal ang nailikas ng mga awtoridad mula sa tatlong siyudad at anim na bayan sa Albay.