Ni Orly L. Barcala
Nanlulumong nagtungo sa pulisya ang isang ginang matapos mabiktima ng anim na miyembro ng “Budol-Budol” gang, na tumangay sa kanyang pera at mga alahas sa Valenzuela City, kamakalawa ng umaga.
Maluha-luha pa habang kinukunan ng statement nina PO3 Robin Santos at PO2 Junjay Tumbado si Carolina Rivera, 59, ng No. 95 A. Coloong 2, Barangay Coloong ng nasabing lungsod.
Ayon kay Rivera, nasa Bgy. Isla siya nang lapitan ng isang lalaki na nagpakilalang si Edgar Miranda, bandang 9:00 ng umaga.
“Sabi nung nung lalaki, kaibigan daw siya ng anak ng victim at inalok ito na bumili ng mga imported na pabango,” sabi ni PO3 Santos.
Niyaya umano si Rivera ng lalaki na sumakay sa sasakyan nito kung saan isang babae, na mukha umanong Chinese, ang bumungad sa kanya at nag-alok ng isang karton ng pabango sa halagang P20,000.
Inabot ng biktima ang hawak niyang P10,000 cash pati na ang pendant ng kanyang alahas, na nagkakahalaga ng P8,000, at inabot naman ng mga suspek ang isang box ng pabango.
Nagbigay pa umano ng wallet ang mga suspek bilang pabuya sa biktima sa pamamakyaw ng pabango.
Gumaan ang loob ni Rivera nang ihatid siya ng mga suspek sa tapat ng kanyang bahay, bago tuluyang umalis.
Pagdating sa bahay, nanlambot ang biyuda dahil puro diyaryo lamang ang laman ng kahon.