Ni Jun Fabon, Rommel P. Tabbad, at Orly L. Barcala
Sa ikinasang transport rally, kinondena kahapon ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ang “Tanggal Bulok, Tanggal Usok” ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) para sa public utility vehicle modernization program ng pamahalaan.

Unang sumugod ang grupo sa tanggapan ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB ), gayundin sa Land Transportation Office (LTO) sa East Avenue sa Barangay Piñahan, Quezon City, bandang 8:00 ng umaga kahapon.
Kinondena ng PISTON ang pagharang ng mga tauhan ng LTO, LTFRB at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga lumang pampasaherong jeep dahil tinatanggalan umano ng karapatan ang mga tsuper na maghanapbuhay.
Bukod sa Metro Manila, nagprotesta rin ang mga tsuper sa Baguio City, Iloilo, Cebu, at Cagayan de Oro City.
Dahil dito, sinuspinde kahapon ng MMDA ang number coding sa Metro Manila, maliban sa Makati City at Las Piñas City.
PROTESTA SA CAMANAVA
Katulad ng mga lugar sa Maynila, Quezon City, at mga karatig na probinsiya ng Metro Manila, naramdaman din sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (CAMANAVA) ang tigil-pasada ng mga transport group.
Nagsama-sama ang mga tsuper at ginawang assembly point ang Monumento Circle sa Caloocan at nagmartsa patungo sa LTFRB sa East Avenue, Quezon City.
Samantala, nag-alok ng libreng sakay ang mga local government unit upang makatulong sa apektadong commuters.