Ni Martin A. Sadongdong

Ibinunyag ng Philippine National Police (PNP) na nakatakda nang ibalik ang “Oplan Tokhang” sa Lunes, Enero 29, ngunit babawasan ang pagdanak ng dugo sa mga operasyon, at lilimitahan ang pagkakasa ng mga operasyon mula Lunes hanggang Biyernes, 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon lamang.

Inihayag ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa na kailangan lamang nilang kumpletuhin ang paghahanay ng mga supplemental guideline at mga polisiya sa “Tokhangers,” o ang mga pulis na awtorisadong magsagawa ng operasyon, bago lubos na ipatupad ang pagbabalik ng Oplan Tokhang.

“Maraming salient points na kailangang malaman nila (Tokhangers) para ma-cascade going into the station level para uniform ang implementation,” ani dela Rosa. Inaasahang mailalatag nang maayos sa Biyernes ang mga nasabing panuntunan.

National

Sen. Bato, isiniwalat na nakiusap siyang dagdagan budget ng OVP: ‘Ayaw tayong pagbigyan!’

Sa hiwalay na press briefing, binanggit ni Chief Supt. Dionado Carlos, PNP spokesperson, na kabilang sa 12 salient points ang limitasyon sa Tokhang operations mula Lunes hanggang Biyernes at sa araw.

“Unang-una, para iwas-duda. Let’s take advantage of daylight, kapag gabi iba eh. Kapag may gagawing kalokohan they do it by night time,” lahad ni Carlos, na ang tinutukoy ang ay nakaraang bersiyon ng Oplan Tokhang.

“If you look at the crime clock, ang crime incidents nangyayari sa gabi. It is after office hours pagdating ng six (p.m.) and midnight to 1:00 a.m. D’yan marami tayong crime,” dagdag pa niya.

Gayunman, klinaro niya na ang Oplan Tokhang ay iba mula sa anti-illegal drug operations o Oplan Double Barrel, dahil kabilang sa huli ang operasyon ng pulisya gaya ng buy-bust, raid, at pagsisilbi ng mga warrant gaya ng search warrant at warrant of arrest.

Sa kabilang banda, ang Oplan Tokhang ay isang complementary operation ng pagkatok sa mga bahay ng mga pinaghihinalaang tulak ng ilegal na droga at paghikayat sa mga ito na baguhin ang sarili para sa ikabubuti.

Ibig sabihin nito na maaaring isagawa ang Oplan Double Barrel ng Sabado at Linggo at sa gabi, ngunit siniguro ni Carlos na ang aksiyon ay nasa ilalim ng paggabay “in adherence to the rule of law and in respect of the human rights.”

Ang mga pulis ay “encouraged” din na magsuot ng body cameras upang maging klaro at malinaw ang operasyon.