Ni Mary Ann Santiago
Sugatan ang anim na katao nang magbarilan ang dalawang grupo na nagkairingan habang nag-iinuman sa loob ng isang videoke bar sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga biktima na sina Nelda Clemente, 74, ng Navotas City, na tinamaan ng bala sa tuhod; Ely Almoete, 25, ng Padre Rada Street, Tondo, na nadaplisan sa kanang braso; Erljin Lacorte, 19, ng Gate 4, Parola Compound, na nabaril sa kaliwang binti; Junel Tabudlang, 29, na naglalakad pauwi nang tinamaan ng bala sa kaliwang hita; Josephine Dagoy, 52, na bumibili ng balot nang tamaan ng bala sa kanang binti; at isang 16-anyosn na lalaki na sinasabing isa sa mga suspek at kritikal ang lagay sa tama ng bala sa leeg.
Sa imbestigasyon ni PO2 Reyzen Del Rosario, ng Manila Police District (MPD)-Station 2, nangyari ang insidente sa loob ng Glenn Videoke Bar sa 574 Padre Rada Street, sa Tondo, dakong 5:00 ng umaga.
Una rito, dalawang grupo, na parehong umiinom sa lugar ang nagkainitan hanggang sa magkabarilan.
Tinamaan ang limang biktima, na sinasabing nadamay lamang sa pangyayari, habang ang binatilyong suspek at isang alyas “Mac-mac” ay sinasabing kabilang sa isang grupo ng nagbarilan, ngunit kinukumpirma pa ito ng awtoridad.
Tumakas si Mac-mac at ang iba pa nitong kasama matapos ang barilan.
Narekober sa pinangyarihan ang isang .38 caliber revolver, isang .45 caliber pistol, at isang .40 caliber.