Ni Genalyn D. Kabiling

Nagalak ang Malacañang sa natanggap na Thomasian Alumni Award ni Presidential Communications Assistant Secretary Mocha Uson, at ipinauubaya na lamang ng Palasyo sa opisyal ang pagdepensa sa sarili mula sa mga kritikong nagsasabing hindi siya karapat-dapat sa nasabing pagkilala.

Mocha copy

“We’re happy for Asec Uson and I suppose that validates her appointment was for good reasons. It is the oldest university in Asia after all,” pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque sa news conference. “To be given this recognition must be really a source of honor for Asec Uson.”

Tourism

World Architecture Day: Ilang makasaysayang gusali sa bansa na nananatili pa ring nakatayo

Nang tanungin hinggil sa mga grupo na kumokondena sa pagkilalang natanggap ni Uson sa unibersidad, sinabi ni Roque na na kay Uson na ang desisyon kung magkokomento ito sa mga kritiko. “The Palace does not have to,” dagdag pa niya.

Kamakailan ay kinilala ng UST Alumni Association Inc. si Uson at iba pang opisyal ng gobyerno bilang Thomasian Alumni in Government Service. Napag-alaman na layunin ng parangal na hamunin ang awardees na isabuhay ang Thomasian values habang nagseserbisyo sa publiko.

Si Uson, isang medical technology graduate ng UST, ay itinalagang PCOO Assistant Secretary noong Mayo 2017.

Gayunman, nakatanggap ng kritisismo ang natanggap na parangal ni Uson mula sa UST Central Student Council, UST Journalism Society, at iba pang grupo.

Ayon sa UST student council, hindi umano karapat-dapat si Uson sa award, dahil sa umano’y pagiging “main purveyor of politically-motivated propaganda against known members of the government’s opposition, an avid spreader and citer of fake news.”

Samantala, hiniling naman ng UST Journalism Society ang alumni association na bawiin at ipawalang-bisa ang award ni Uson at humingi ng paumanhin sa Thomasian community “[for] this embarrassing episode.”

Sa kabilang banda, nagpahayag naman ng pasasalamat si Uson, sa UST Alumni Association para sa pagkilalang natanggap at nangakong patuloy na magseserbisyo sa publiko.

“Ako po ay lubos na nagpapasalamat sa UST Alumni Association. At tulad nga ng sinabi nila tayo po ay patuloy na magsusumikap pagsilbihan pa ang mamayang Pilipino. Hinahangaan ko po ang inyong hindi pagkiling anoman ang political affiliation ng inyong alumnus,” lahad ni Uson sa kanyang Facebook post.

May amensahe rin si Uson sa kanyang mga kritiko: “Para naman sa mga bashers sa Twitter, ang patuloy n’yong pamba-bash ay patunay lang na may freedom of expression/speech sa ating bayan,” aniya.