TINANGGAP ni Health Secretary Francisco Duque III ang plano ng Sanofi Pasteur na ibalik ang P1.4 bilyon na nagastos ng gobyerno sa pagbili ng mga hindi nagamit na bakuna laban sa dengue, ang Dengvaxia, na ginamit sa public immunization program ng kagawaran.

“We will ask for a full refund eventually. But for the meantime, we want the immediate withdrawal of all (Dengvaxia) vaccine vials stored in our cold chain facilities,” sabi ni Duque.

“Ang importante kasi mai-withdraw na nila lahat ng vials because they are also eating up our space. Hindi kami makatanggap ng bagong bakuna sa cold chain facilities and RITM (Research Institute for Tropical Medicine) and regional storage facilities,” dagdag pa ng kalihim.

Sinabi ni Duque na hinihiling din nila sa Sanofi na magbigay ng test kits na nilikha ng University of Pittsburgh, upang maisailalim sa serotesting ang mga batang nakatanggap ng bakuna, lalo na kung walang kasaysayan ng impeksiyon ang bata bago nabakunahan.

Samantala, inihayag ng Sanofi na ang kanilang desisyon na ibalik ang pondong nagastos sa mga hindi nagamit na bakuna “is not related to any safety or quality issue with Dengvaxia”.

“Rather Sanofi Pasteur hopes that this decision will allow us to be able to work more openly and constructively with the DoH (Department of Health) to address the negative tone towards the dengue vaccine in the Philippines today,” hayag ng pharmaceutical company, at sinabing nananatiling positibo ang pangkalahatang benepisyo ng Dengvaxia sa mga bansang mataas ang kaso ng dengue gaya ng Pilipinas.

PNA