Ni PNA

MAGDARAOS ang Department of Tourism (DoT) sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ng ilang kapistahan upang makapanghikayat ng mas maraming turista para bumisita sa rehiyon, kabilang ang bagong ayos na Bud Bongao sa Tawi-Tawi.

Inihayag ni DoT-ARMM Secretary Ayesha Vanessa Hajar Dilangalen na itinakda ang mga kapistahan sa mga susunod na buwan at “will have active participation from domestic and foreign visitors.”

Sinabi ni Dilangalen na magsisimula ang mga kapistahan sa Maguindanao dahil ipagdiriwang ng lalawigan ang Inaul Festival sa Pebrero, at magsasagawa ng international airsoft competition kung saan imbitado ang mga dayuhan; ng Kariyala Festival sa Wao, Lanao del Sur sa Pebrero; at ng Bud Bongao Day sa Tawi-Tawi sa Marso.

Sa pagbuo naman ng eco-tourism park, layunin nitong pangalagaan ang lugar, na isa sa mga prioridad na proyekto ng administrasyong Hataman.

Ang Bongao Peak ay isa sa 12 pangunahing biodiversity site sa bansa, na pinoprotektahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa ilalim ng New Conservation Areas in the Philippines Project.

Ang Bud Bongao sa Tawi-Tawi at ang Mount Minandar sa Maguindanao ay dalawa sa bagong tourist destination sa ARMM.

Samantala, binanggit ni Dilangalen na ang pagbubukas ng Buluan Boulevard sa Maguindanao, kung saan ibibida ang iba-iba at detalyadong display ng man-made lights, na karagdagan sa river cruise, gayundin ang mga aktibidad sa ilalim ng One Mindanao tourism campaign, ang inaasahang makahihimok ng mga turista mula sa ibang rehiyon.

Batay sa pinakabagong datos, ang Lanao del Sur ang nangunang tourist destination noong 2016, nang aabot sa 70,000 turista ang dumayo sa lalawigan.

Gayunman, inaasahang bumaba ang datos noong 2017 dahil sa krisis sa Marawi City, na nagsimula noong Mayo.

“We have to strengthen the preparation of our communities in order to have sustainable tourism. Through this, we get to work with the communities in giving our tourists an exquisite experience,” aniya.