Ni Dave M. Veridiano, E.E.
HINDI ko magawang manahimik na lamang sa katatapos na TRASLACION o ang prusisyong nagsisimula sa Quirino Grandstand sa Luneta pabalik sa simbahan sa may Plaza Miranda, na ginagawa taun-taon tuwing pista sa distrito ng Quiapo, at basta-basta “lunukin” ang ipinahayag na tinatayang bilang ng mga debotong dumalo sa makasaysayang pagdiriwang.
Ngunit ang totoong mas ikinagulat ko ay ang pinagsama-samang mga pahayag ng ilang ahensiya ng pamahalaan at mga opisyal na namamahala sa pista, na sa tantiya nila, ang dami ng mga dumayong deboto ay lumobo sa 18 milyon, mula sa 15 milyon noong nakaraang taon.
Puwede ba, mga kabaro kong ENGINEER sa Metro Manila Development Authority (MMDA) – turuan ninyong magkuwenta o mag-calculator ang mga opisyal diyan, para naman lumapit sa katotohanan ang impormasyong hinggil dito na ibinabalita nila sa mga mamamayan.
Totoong maraming deboto ang Itim na Nazareno ng Quiapo at ‘di kataka-takang umabot ito sa bilang na milyun-milyon, sa dami ba naman talaga ng mga Katoliko sa bansa. Subalit ang katotohanan na gusto kong ipunto rito, ay hindi kailanman magkakasya ng sabay-sabay sa mga nasabing lugar ang lahat ng deboto na dadalo sa loob lamang ng isang araw – lalo pa’t ang pagbabatayan ay ang mga tao na makakatayo sa sukat na kada square meter (m2) ng buong lugar na pinagdausan ng prusisyon. Exact science ang Mathematics kaya’t nasisiguro kong sa tamang computation lalabas ang totoong bilang.
Ito ang aking mga halimbawa:
Ang populasyon ng buong Metro Manila, ayon sa pinakahuling census, ay umabot na sa halos 13 milyon— samantalang ang sinasabi ng MMDA na bilang ng mga debotong dadagsa sa pista ay aabot na umano sa 18 milyon at sa lugar ng Quiapo lamang ito magpupunta.
Nai-imagine ninyo ba ang iniisip ko? Na noong pista ng Quiapo ang lahat ng bahay sa buong Metro Manila ay mawawalan ng tao dahil namimista sa Quiapo? Bukod pa rito ang dagdag na limang milyon, marahil ay ang bilang naman ng mga deboto na manggagaling sa mga kanugnog lugar ng kalakhang Maynila at iba pang lalawigan sa buong bansa upang mabuo ang tinataya nilang bilang na 18 milyon…Eh di W O W ! ! !
Ito pa ang isa, ang Quiapo ay nasa District 3 ng Maynila, kasama ang Sta. Cruz at San Nicolas, at may kabuuang sukat ito na 63,000 m2. Lagyan man natin ng limang tao sa bawat isang square meter – imposible na ito kasi ang tatlong tao lang sa isang square meter ay masikip na - kung mapupuno natin ang buong distrito ng halos 315,000 tao lamang – wala pa rito yung mga bahay at establisimyento na nakatayo na sa mga lugar.
Ang ruta ng prusisyon na mula Luneta hanggang simbahan ay may tatlong kilometero o 3,000 meters lamang ang layo. Kung ang lapad ng kalsada ay 40 meters, magiging 120,000 m2 ang kabuuang sukat nito. Sa limang tao kada square meter, ay aabot lang sa 600,000 ang nagmamartsang tao na nasa dulu’t dulo ng kalsada…Lumalabas na mula simbahan hanggang grandstand sa Luneta ay may nakatayong deboto?
Ang buong Luneta ay 56 hectares o 560,000 m2, kaya sa limang tao kada square meter ay tatlong milyong tao lamang ang magkakasya…Eh paano hindi naman p’wedeng tumayo sa may fountain at lagoon, mga puno at halaman, mga tindahan, at iba pang establisimyento na nakatayo na sa parkeng ito, kaya liliit pa ang bilang na ito. Ayan, hindi naman masyadong mahirap magkuwenta ‘di ba? Kasi may mga calculator na!
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]