Ni Reggee Bonoan
ILANG araw na kaming hindi tinatantanan ng tanong ng mga sumusubaybay ng teleseryeng Hanggang Saan na nagulat sa umereng love scene nina Arjo Atayde at Sue Ramirez nitong Lunes.
“Ang bilis naman, ‘buti okay sa kanila na may love scene agad? Mabuti okay lang kay Sue? Di ba may boyfriend siya?”
sunud-sunod na tanong sa amin.
Pero nagulat nga rin kami. Maging noong una, bagamat magkarelasyon naman ang roles nila, hindi rin namin inakalang magkakaroon agad ng kissing scene.
“New Yorker kasi ang karakter ni Sue (as Anna) kaya normal lang sa kanya ang sex,” katwiran ng pinagtanungan namin sa production tungkol dito.
Si Anna talaga ang nagbibigay ng motibo, alangan namang tanggihan siya ni Paco (Arjo).
Hmmm, mangyari rin kaya ito sa tunay na buhay? Ha-ha-ha!
Sa pagkakaalam namin ay supportive ang karelasyon ni Sue na si Joao Constancia ng Boyband PH, kaya hindi naman siguro ito magseselos.
“Huwag siyang pakasiguro, araw-araw ang shooting ng Hanggang Saan at araw-araw ding magkasama sina Arjo at Sue, alam mo na kapag laging nagkikita nagkakadebelopan. Ang sweet kaya nila sa set,” sitsit ng aming source na boto sa dalawa para sa isa’t isa.
“Actually, masaya sila sa set, laging nagkukuwentuhan, pati ‘yung Yves (Flores) kausap din nila. Mahilig silang magbiruan, eh,” kuwento pa sa amin.
Kaya pagkatapos ng presscon ng pelikulang Mama’s Girl, tumiyempo kami ng tanong kay Sylvia Sanchez tungkol kina Sue at Arjo.
“Okay sila, magkasundo sila, laging nagbibiruan, kalog kasi pareho,” kaswal na sagot ng mommy ni Arjo na co-star din nila sa Hanggang Saan.
Ano ang masasabi niya sa dalawa? May napapansin ba siyang kakaiba sa mga kilos lalo’t may intimate scenes na?
“Ay, hindi kasi ako nakikiaalam sa mga ganyan, nakikita ko magkasundo sila, other than that, dedma na ako. Saka nasa tamang edad na sila, bahala sila,” kaswal pa ring sagot ng aktres.
Boto ba siya kay Sue?
“Lagi kong sinasabi, kung sino ang gusto ng mga anak ko, go. Hindi ako nakikialam. Isa lang ang parati ko sinasabi, dapat marespeto sa pamilya, marunong makisama. Yun naman ang dapat talaga, marespeto at marunong makisama sa lahat.”
Samantala, puring-puri ang acting ni Arjo nang malaman niya na ang Nanay Sonya pala niya ang pumatay kay Mr. Lamoste (Eric Quizon), ama ng pinakamamahal niyang si Anna.
Parang malalagutan ng hininga ang aktor pati na ang kapatid niyang si Domeng (Yves) na tulala rin nang umamin ang nanay nila.
Ang ganda ng confrontation scene nina Arjo at Yves dahil magkasalungat sila ng desisyon.
Pero mas pinuri siyempre nang husto ang acting ni Ibyang na namamaos na sa kaiiyak at nagmamakaawa sa pag-amin at paghingi ng kapatawaran kina Paco at Domeng.
Inabot pala siya ng 18 hours sa kaiiyak sa taping ng eksenang iyon, kaya literal na tulala na siya nang matapos.
“Totoo nga, tulala ako, hindi ako nagbibiro at wala ako pakialam kung sino na ang mga taong nakapaligid sa akin, kasi nagsimula akong umiyak ng 8 AM hanggang 2 AM, dire-diretso ‘yun. Ang pahinga ko lang lunch at dinner break kasi naghahabol kami, eh,” kuwento ng aktres.
Ipinakita tuloy sa amin ng girl Friday ni Sylvia na si Floramae ‘Menggay’ Dacua ang litratong kuha kay Sylvia habang nakaupo sa may tabi ng kalye, nakasandal sa pick-up at nakatulog na nakalaylay ang ulo na hindi na raw alam ng aktres.
“’Kaloka ka, Menggay kinunan mo pala ako!” nanlalaki ang mga matang sabi ni Ibyang.
“Eh, wala na, bagsak na talaga ako, ang daming taong nasa paligid, nanonood ng shooting, wala na akong pakialam kung ano itsura ko. Ikaw ba naman ang dire-diretsong umiyak mula alas otso ng umaga hanggang alas dos ng madaling araw?
Sabi nga nina Direk, para raw akong MWSS.
“Sobrang nagpasalamat nga ako sa Diyos kasi hindi ako nag-pass out. Hindi niya ako pinabayaan kasi ang sakit-sakit na ng ulo ko no’n, gusto ko na iuntog, pero hindi ako puwedeng magreklamo kasi trabaho ito, eh. Kaya pasalamat nga kasi may trabaho kesa nganga, di ba?”
Pabirong sabi namin, ang hirap pala ng buhay ng artista, e, bakit pinasok niya?
“Passion kong umarte, ganu’n ‘yun, Bonoan. Tulad mo, passion mo ang magsulat o maghagilap ng balita na araw-araw mo ilalabas sa mga diyaryo mo, ganu’n din kaming mga artista,” katwiran sa amin.
Wala namang trabahong madali, di ba, Bossing DMB?
(Wala! Pero gumagaan kung mahal mo ang trabaho mo. –DMB)
Masayang-masaya rin ng buong cast ng Hanggang Saan dahil magaganda ang feedback at higit sa lahat ay mataas ang ratings nila at naungusan na nila ang katapat na programa.