Ni PNA

BUKOD sa pagbibigay ng pansin sa mga prominenteng tourist destination sa bansa, isinusulong din ng Department of Tourism (DoT) ang mas personal na programang “Bring Home a Friend” sa bawat lalawigan.

Sa isang pahayag, hinikayat ni DoT Secretary Wanda Teo ang mga residente sa bawat rehiyon na makibahagi sa inisyatibong ito at iendorso ang mga produkto o serbisyong kakaiba sa kani-kanilang lalawigan upang makahikayat ng mga dayuhang kaibigan para bumisita sa Pilipinas.

Mula sa pagiging nostalgic sa pananatili sa isang antigong bahay hanggang sa mga putahe na ipinamana pa ng kanilang mga ninuno, sinabi ni Teo sa dapat na isulong ng mga Pilipino ang mga nakagawian at tradisyon kung uuwi sa kanilang mga probinsiya.

“We invite you to welcome your foreign friends to the doorsteps of your hometown,” sabi ni Teo. “Our different provinces and regions offer a much more different experience of the Philippines only we Filipinos know.”

Ang panawagan ni Teo sa “Bring Home A Friend” sa mga lalawigan ay kaakibat ng kampanya ng regional roadshow, kasunod ng paglulunsad nito kamakailan at sa sunod-sunod na mga kaugnay na aktibidad sa ibang bansa.

Tinapos ng DoT sa Palawan ng Region 4B (Mimaropa) ang paglulunsad nito sa programa sa 15 rehiyon sa bansa.

Samantala, pinasinayaan naman ng DoT-Eastern Visayas ang pagpapakilalang muli sa referral incentive program sa Tacloban City, Leyte noong Oktubre 2017.

Kabilang sa mahahalagang paglulunsad sa mga rehiyon ay isinagawa ng DoT-Northern Mindanao, Calabarzon, at Caraga.

“The regional launching of the Bring Home A Friend campaign gave our Regional Offices a sense of ownership and a chance to localize the program,” lahad ni Teo.

“Their launches have call to actions inviting everyone in the region to invite their friends to visit their provinces,” aniya.

Ang bawat regional office ng kagawaran ay kailangang magsagawa ng follow up promotion, advertising, at activations sa mga lokal na kapistahan at iba pang aktibidad na may kinalaman sa turismo, upang mapanatiling aktibo ang kampanya.

Hinihikayat ng BHAF ang lahat ng Pilipino at mga expatriate na mag-imbita ng mga dayuhan sa bansa, at sa pagkakataong ito ay manalo ng mga papremyo, gaya ng Megaworld Eastwood Le Grand condominium unit, isang bagong Toyota Vios, at P200,000 halaga ng Duty Free gift certificate.

Muling binuhay ni Teo noong Oktubre 2017, matatapos ang promo campaign sa Abril 15, 2018.