Ni PNA
HABANG patuloy ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas, kasabay ng pagtatakda ng mga economic manager ng pito hanggang walong porsiyentong paglago ng Gross Domestic Product (GDP) para sa taong 2018 hanggang 2022, ay lumaki rin ang pag-asam sa kita upang magkaloob ng nararapat na pondo para sa implementasyon ng mga programa na higit pang magpapasigla sa ekonomiya.
Nangako ang mga economic manager sa ilalim ng administrasyong Duterte na pasisiglahin ang kita ng gobyerno, gamit ang share nito sa GDP na aabot sa mahigit 16 na porsiyento at magsisimula sa susunod na taon hanggang sa 2022.
Ipinakita sa datos ng Department of Finance (DoF) na para sa 2018, ang kabuuang target ng kita ay bubuo sa 16 na porsiyento ng GDP, at tuluy-tuloy na tataas sa 16.4 na porsiyento, 16.8 porsiyento, 17 porsiyento, at 17.1 porsiyento para sa taong 2019 hanggang 2022, ayon sa pagkakasunod.
Saklaw na ng growth rate na ito ang epekto ng tax reform program, gayundin ang pag-veto ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa ilang probisyon ng unang tax reform package na inaprubahan ng Bicameral Conference Committee bago magtapos ang taong 2017.
Sa ilalim ng unang inaprubahang tax reform package, ang kabuuang kita sa buwis ay itinakda sa P2.806 trilyon para sa 2018, mula sa P2.387 trilyon na naitala noong 2017. Para sa 2019 hanggang 2022, ang inaasahan ay P3.160 trilyon, P3.553 trilyon, P3.956 trilyon, at P4.414 trilyon, ayon sa pagkakasunod.
Una nang sinabi ni Budget and Management Secretary Benjamin Diokno na sinusuportahan ng bilang na ito ang layunin ng kasalukuyang administrasyon, partikular sa mas malaking pamumuhunan sa imprastruktura at sa social protection programs.
“We will ensure that all the revenues collected and monies disbursed will be for the benefit of our people,” sabi ni Secretary Diokno.