Ni Chito Chavez at Bella Gamotea

Iginiit ng grupo ng mga taxi operator ang agarang pagtataas sa P50 sa flag down rate na kasalukuyang nasa P40, upang maibsan ang epekto ng mas mataas na excise tax sa mga produktong petrolyo, kaugnay ng pagpapatupad sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Ito ang naging panawagan kahapon ng Philippine National Taxi Operators Association (PNTOA) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ayon kay Atty. Jesus Manuel “Bong’’ Suntay, PNTOA president, na umaasa silang papaboran ng LTFRB ang kanilang petisyon dahil simula 2010 ay hindi na uli nadagdagan ang P40 flag down sa taxi.

National

Asawa ni Harry Roque, nakaalis na ng bansa noon pang Setyembre – BI

Sa kasalukuyan, ang mga taxi ay may P40 flag down rate, at naniningil ng P13.50 sa kada kilometro ng biyahe, habang P2.50 naman sa waiting time. 



Una nang nagsabing maghahain ng petisyon para sa dagdag-pasahe ang mga jeepney operators at drivers at ang Grab Philippines kaugnay ng napipintong pagtataas ng presyo ng petrolyo at mga pangunahing bilihin dahil sa TRAIN.

Samantala, tiniyak naman kahapon ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na hindi pa dapat na magtaas ang presyo ng bilihin sa ngayon dahil may old stock pa ang mga tindahan at pamilihan.

Aniya, ang excise tax ay ipinapataw sa importation at manufacturing kaya hindi pa dapat na tumaas ang presyo ng mga produkto sa susunod na dalawang linggo.

“May increase pero minimal lang ang effect nito,” ani Lopez.