TOKYO, Japan – Walang dapat ikabahala ang sambayan sa kampanya ni Milan Melindo na pag-isahin ang WBA at IBF junior flyweight title.
Sapat at tama sa timbang ang reigning International Boxing Federation junior flyweight champion sa kanyang pagsampa sa official weigh-in Sabado ng gabi para sa title unification bout kontra Ryoichi Taguchi sa bisperas ng Bagong Taon ditto.
Tumimbang ang pambato ng Cagayan de Oro City sa bigat na 107.5 lbs. sa pre-fight weigh-in sa Grand Palace Hotel. Tulad niya, sapat din ang timbang ni Taguchi, ang reigning World Boxing Association title holder.
Ikinatuwa ni trainer Edito “Ala” Villamor ang resulta ng timbang ni Melindo, taliwas sa kanyang laban kay Hekkie Budler para sa kanyang unang pagdepensa sa korona kung saan nangailangan siyang magpapawis ng todo para makapasok sa 108-lb limit.
“Yung programa ng training naming, tamang-tama lang. Hindi na kami kinailangang magbawas pa ng bigat sa last minute,” pahayag ni Villamor.
Kumpiyansa si Villamor, dating world-title challenger noong dekada 90, na magiging magaan sa 29-anyos na si Melindo (37-2, 13 KOs) ang laban sa Japanese champion sa kanilang 12-round fight sa Ota City general gymnasium.
Sa kabila ng matikas na marka ni Taguchi, 31, buo ang loob ng kampo ni Melindo na maiuuwi ang kampeonato.
Hindi pa natatalo ang Japanese mula nang manalo sa puntos kay Alberto Rossel para makopo ang WBA title may tatlong taon na ang nakalilipas. Matagumpay niyang naidepensa ang korona nang limang beses sa laban na ginanap lahat sa Japan.
Natapos sa tabla ang huli niyang laban kay unbeaten Venezuelan Carlos Canizales sa nakalipas na taon para mahila ang marka sa 26-2, tampok ang 12 KOs.