ni Dave M. Veridiano, E.E.

MASAGANANG Bagong Taon sa lahat! Kasabay ng pagpasok ng 2018, kahit bawal ang paputok, isang makayanig dibdib ang pagpapasabog ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), na pinamumunuan ng dating mamamahayag na si Undersecretary Joel Sy Egco.

Nasisiguro kong ‘di lamang ako ang nagbunyi at pumalakpak sa malakas na “pagsabog” na ito na matagal nang gustong marinig ng mga kabaro kong peryodista, ‘di lamang dito sa bansa kundi maging sa buong mundo, na magkakasamang nagmamatyag sa walang habas na pagpatay sa mga mamamahayag.

Ang “pasabog” ng PTFoMS – ang 100 porsiyentong pagkakalutas ng kasong pagpatay sa anim na aktibong mamamahayag sa iba’t ibang panig ng bansa, simula nang maupo bilang pangulo si Rodrigo R. Duterte noong Hunyo 30, 2016 hanggang sa pagtatapos ng taong ito, halos isang taon at anim na buwan din matapos maitatag ang PTFoMS.

Sa nabasa kong PTFoMS Year-End Report, sinasabing hindi lahat ng pagpatay sa anim na mamamahayag ay dahil sa kanilang trabaho: “However, not all of them were considered work-related, but due to other causes, such as political violence and personal/family affairs.”

Ang tatlong napatunayang pinatay dahil sa kanilang trabaho bilang mamamahayag ay sina Larry Que, ng panlalawigang pahayagan na “Catanduanes News Now”, sa Virac, Catanduanes (Disyembre 2016); Leodoro Diaz, broadcaster ng Sapol Radio Mindanao Network at kolumnista ng Sapol News Bulletin sa President Quirino, Sultan Kudarat (Agosto 2017); at si Christopher Lozada, broadcaster ng Prime Broadcasting Network sa Bislig City, Surigao Del Sur (Oktubre 2017).

Ang dalawa pang nalutas na kaso ngunit napatunayang walang kinalaman sa kanilang trabaho bilang mamamahayag ay sina Joaquin Briones at Rudy Alicaway. Sa umpisa ng imbestigasyon ay ipinapalagay na ang pagpatay sa kanila ay “work-related”, ngunit sa gitna ng imbestigasyon ay lumitaw ang katotohanan - si Briones ay aktibong pulitiko sa kanilang lalawigan samantalang si Alicaway naman ay isang konsehal. Wala pa akong makuhang detalye sa ikaanim na nalutas na kaso.

Hindi rin nakaligtas sa PTFoMS ang walong opisyal ng pamahalaan na diretsahan nitong kinastigo at binalaang kakasuhan o sususpindehin o sisibakin sa puwesto dahil sa PANANAKOT o PAGBABANTA sa mamamahayag na kritikal sa kanilang pamamalakad sa kanilang nasasakupan.

Ito naman ang ‘di ko maarok sa mga nangyayari – habang nasa gitna kasi ng kritikal na bahagi ng pag-iimbestiga ang PTFoMS sa umano’y partisipasyon ng isang maimpluwensiyang pulitiko sa Mindanao sa pagpapa-ambush sa isang radio broadcaster, biglang pinutakte ng katakut-takot na BATIKOS mula sa isang maliit na grupo ng mamamahayag ang PTFoMS, na sa halip na matuwa dahil may “kakampi” na kaming nag-iimbestiga sa aming grupo, ay hinihingi pa na masibak agad si Usec Egco, ang Executive Director ng PTFoMS.

Bakit ba talaga? Ano ba naman kayo, umusad na ang imbestigasyon sa mga pagpatay na ito, ipasisibak niyo na agad si Egco. In fairness, may kaibigan ako sa mga imbestigador na kasama-sama ni Egco at sila mismo ang nagpapatunay na “walang kapaguran” sa pagtatrabaho ang mama upang mabigyang kalutasan ang mga kaso ng taga-media!

Ito ang masasabi ko sa grupong ito – lutas na ang mga kaso at may mga pulitikong siguradong sabit dito…Subukan kaya ninyo na ang mga hinayupak na opisyales na ito ang pag-uupakan ninyo, ibandera sa inyong mga kolum kung sino sila at ano ang pinaggagawa ng mga ito sa mga kabaro natin…Kaya niyo ba?

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]