ni Clemen Bautista

BAHAGI na ng lakad ng panahon ang paglipas at pagsapit ng Bagong Taon. At sa buhay ng tao sa daigdig, ang Bagong Taon ay lagi nang pinaghahandaan at ipinagdiriwang. Iba-iba ang paraan. Sa paghahanda, nakalakip ang mga bagong pag-asa at pananaw sa buhay.

At bago sumapit ang Bagong Taon, bahagi na ng tradisyon ang pagsalubong sa Bagong Taon sa pamamagitan ng pagkalembang ng mga kampana sa simbahan, sipol ng mga sirena, ingay ng mga torotot, malalakas na putok; bawang, plapla, judas belt, lusis at kuwitis at iba pa na nakapipinsala sa mga kababayan natin. May napuputulan ng daliri sa kamay, may nabubulag, nalalapnos ang mukha at iba pa.

Bukod sa nabanggit na mga kaugalian, bahagi na rin ng tradisyon ang pagdalo sa misa tuwing sasapit ang Bagong Taon. Naniniwala na ang pagsisimba bago sumapit ang Bagong Taon ay isang magandang paraan ng pagsalubong. Isang mainam na pagkakataon din upang magpasalamat sa Diyos sa mga biyayang natanggap at humingi ng patnubay sa darating na taon. At matapos magsimba, nagsasalu-salo sa iniluto at inihandang pagkain sa Media Noche.

Ang Bagong Taon, ayon sa kasaysayan, ay ang unang “holy day” ng tao. Ang unang naitalang pagdiriwang ng Bagong Taon ay sa Babylonia. At noong 46 B.C., binago ni Julius Caesar ang kalendaryo at ginawang Enero ang unang buwan ng taon. Dati-rati, ang Bagong Taon ay hindi isang pagdiriwang batay sa kalendaryo. Ang pagdiriwang noon ng Bagong Taon ay simula ng spring o tagsibol. Ang nakaugalian ngayon na pagdiriwang ng Bagong Taon tuwing sasapit ang unang araw ng Enero ay nagsimula nang mag-umpisa tayong gumamit ng Gregorian calendar.

May nagsasabi naman na ang kaugalian ng pagdiriwang ng Bagong Taon ay sa unang araw din ng Enero. Ngunit nahinto lamang ang pagdiriwang nang sumapit ang tagsibol.

May nagsabi naman na upang mabigyan ang Bagong Taon ng religious significance, itinakda ng Simbahan na ang unang araw ng Enero bilang kapistahan ng Mahal na Birhen na Ina ng Diyos. Sa mga simbahan, nagdaraos ang mga pari ng mga misa tulad ng schedule tuwing Linggo.

Maraming kaugalian at paniniwala ang ating mga kababayan sa pagsalubong sa Bagong Taon. Bumibili at naglalagay ng labindalawang uri ng prutas na bilog sa mesa. Naniniwala na ang 12 bilog na prutas ay simbolo ng l2 buwan ng Bagong Taon. Binubuksan ang lahat ng ilaw sa bahay upang maging maliwanag umano ang buhay. May nagbubukas din ng lahat ng bintana at pinto ng bahay sa paniwalang papasok ang mga biyaya. Ngunit kung malasin ang may-ari ng bahay, bala ng baril, paputok at magnanakaw ang pumasok sa bahay. May gumagawa rin ng New Year’s Resolution. Pagbabago ng ugali at asal na magiging karapat-dapat sa kapwa-tao at maganda sa mata ng Dakilang Lumikha.

Sa pagsapit ng Bagong Taon, anuman ang maging paniniwala, pananaw at kahulugan ng mga tradisyon at kaugalian, ang mahalaga ay may hatid na pag-asa sa isang bagong panahon. Pananalig sa Diyos na ang kapalaran ng tao’y Siya lamang ang nakababatid kung ano ang mga naghihintay at maaaring maganap sa buong isang taon sa ating buhay at sa iniibig nating Pilipinas.