ni Bert de Guzman

HANGAD kong naging mapayapa, ligtas at masagana ang pagsalubong natin sa Bagong Taon 2018. Sana ay wala o kakaunti lang ang nadisgrasya ng mga paputok, walang namatay sa ligaw na bala, walang naputulan ng kamay o mga daliri, walang nabulag at walang ano mang pinsala sa katawan.

Ngayong 2018, hangad ko rin na sana’y magbago na ng asal at ugali ang mga Pilipino, lalo na ang mga kabataan, iwasan ang masamang bisyo, illegal drugs, kalaswaan. Hangad ko rin na sa taong 2018, hindi na tayo makakabalita o makaririnig ng maraming pinatay na drug pushers at users, sa halip ay ang mabalitaan at marinig natin ay ang pagtumba o paghandusay ng mga drug lord, shabu smuggler/supplier na limpak-limpak na salapi ang kinikita sa droga.

‘Di ba malimit sabihin ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na: “Do not destroy the youth of the land, I will kill you”? Palagay ko naman ay sasang-ayon dito ang sambayanang Pilipino bagamat personally, salungat ako sa ano mang uri ng patayan. Isang katotohanan na ang itinutumba ng mga tauhan ni Gen. Bato ay ordinaryong mga tulak at adik, pero ang mga panginoon ng droga, shabu smugglers at suppliers ay hinuhuli lang, pinadadalo sa pagdinig at hindi pinapatay kaya patuloy ang pagkalat ng mga droga sa lansangan, kalye, eskinita, barangay at suluk-sulok na lugar.

Isipin at suriin nating mabuti. Maaaring mapatay nina PRRD at Gen. Bato ang umano’y apat na milyong drug addicts sa Pilipinas, subalit tiyak na magpapatuloy ang drug addiction sa bansa nina Juan dela Cruz, Pedro Pasang-Hirap at Mariang Tindera habang may nabibiling shabu sa mga lansangan at eskinita na ibinebenta ng mga Hari ng Droga, smugglers at suppliers.

Sinampahan ng kasong sibil nina Davao City Vice Mayor Paolo “Pulong” Duterte at Atty. Mans Carpio, ginoo ni Mayor Sara Duterte-Carpio, si Sen. Antonio Trillanes IV sa Davao City Regional Trial Court (RTC). Ang kaso ay bunsod ng mga alegasyon ni Trillanes na sina VM Pulong at Carpio ay sangkot umano sa smuggling ng P6.4 bilyong shabu sa Bureau of Customs.

Si VM Duterte ay naghain ng resignation noong Pasko at ang kanyang letter of resignation ay nakarating sa Malacañang nitong Martes. May 15 araw para aksiyunan ito ni Mano Digong at kapag nabigo siyang magpasiya tungkol dito, ang pagbibitiw ng anak ay ituturing na aprubado na. Kapwa pinabulaanan nina Pulong at Carpio na sangkot sila sa shabu smuggling sa BoC at inakusahan nila ang senador na desperado at “nasisiraan ng ulo”.

Kawawa naman si Andres Bonifacio. Tinanggal o ibinuwal ang monumento ng Dakilang Manggagawa na nakatayo sa Makati Park and Garden. Ang monumento ng supremo ng Katipunan (KKK) ay itinayo roon noong 1997 kaugnay ng ika-100 taong kamatayan ng lalaking pumunit sa sedula at naghayag ng pag-aalsa sa mga Kastila.

Pinaiimbestigahan ito ng isang kongresista matapos malamang ang monumento ay pinatanggal ng Dept. of Public Works and Highways para pagbigyan ang road project na mag-uugnay sa Bonifacio Global City at Ortigas Center sa Pasig City.

Kawawang Mang Andres, pinatay na ng kapwa-Pilipino na hanggang ngayon ay wala pang kalutasan, at ngayon pati monumento ay binuwal pa!