Ni Dave M. Veridiano, E.E.

KUNG dati-rati ay pangkaraniwan na lang ang pag-iingay ng mga preso kapag may disgustong nangyayari sa kanilang kulungan, medyo nasapawan naman ngayon ito ng kanilang mga jail guard na nag-aakusa ng FAVORITISM sa ilang mataas na opisyal sa Department of Interior and Local Government (DILG).

Ang kaibahan lang, tahimik ang pamamaraan ng mga jail guard ngunit epektibo kumpara sa tradisiyonal pag-iingay ng mga preso na pagkalampag sa anumang mahahampas na bagay na lilikha nang malakas na tunog upang maiparamdaman ang kanilang mga hinaing sa kinauukulan.

Mga text message at tawag sa cell phone ang gamit sa pag-iingay ng mga jail guard upang maiparating sa mga BOSSING ang kanilang reklamo laban sa ilang opisyal ng DILG at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na anila’y kumakanlong sa mga tiwaling jail warden…At ang sumbungan nila, ang katulad kong taga-media!

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Nagsulputan ang mga akusasyong ito laban sa ilang mataas na opisyal ng DILG na umano’y kumakanlong sa ilang “mandurugas” na jail warden na sa halip na papanagutin sa kanilang pagkakamali sa ilalim ng “one-strike-policy” ay inihahanap ng PAMALIT na mapaparusahan mula sa hanay ng mababa ang ranggo sa BJMP.

Makailang beses na rin akong nakatanggap ng reklamong tulad nito bago ko tinalakay ang mintis na “one-strike-policy” ng BJMP. Ang pinakahuling kuwento ay tungkol sa naging malungkot na Pasko ng pitong enlisted personnel o tauhang mababa ang ranggo ng BJMP na ginawang panakip-butas para sa warden ng Quezon City jail matapos makatakas ang isang bilanggo kamakailan. Silang mga tagasunod ang sinibak at kinasuhan samantalang ang nag-utos ay namamayagpag pa rin sa puwesto.

Ang iniaangal ng pitong nasibak na jail guard – dahil natakasan sila ng presong si JR Mananquil -- ay bakit sila lang ang nasibak samantalang ang nagmamando sa bawat kilos nila sa loob ng Quezon City jail ay ang warden nilang si Jail Supt. Ermelito Moral…An’yare ba sa “one-strike policy” sa BJMP?

Oo nga naman, kung susundin lamang ng “salita por salita” ang tinatawag na “one-strike policy” sa BJMP, ang unang dapat na nasisibak sa puwesto ay ‘yung nakatalagang jail warden nang maganap ang pagtakas, upang magkaroon ng “impartial investigation” sa kaso.

Ipinatutupad ang “one-strike policy” upang maiwasan ang tinatawag na “kultura ng kurapsiyon” sa pamamagitan nang pagsibak sa jail warden na mahuhulihan o maaaktuhang lumalabag sa anumang tuntunin sa loob ng kulungang kanilang nasasakupan – isa na rito ay kapag natakasan sila ng bilanggo, gaya nga ng nangyari sa Quezon City jail.

Ang mga tinamaan sa FAVORITISM na ito sa kaso ng pagtakas ni Mananquil, na dapat bigyang pansin ng pinuno ng BJMP na si Jail Chief Supt. Deogracias Tapayan, ay ang mga jail guard na sina Senior Inspector David Jambalos, SJO1 Dominador Zacarias, JO2 Antonio Ravago, JO1 Verdion Sayson, JO1 Ronnie Abugadie, JO1 Jhomer Balila, at SJO4 Remegino Mina.

Malakas umano ang kapit ni Moral sa isang DILG Assistant Secretary na siyang responsable sa paglalagay ng... mga jail warden sa mga piling posisyon sa buong bansa. Kung totoo ito, aba’y siguradong may kalalagyan itong si ASEC kapag nakarating ito kay Mano Digong…paulit-ulit na sinasabi ng Pangulo na ayaw niya ng ganitong asal at pamamaraan sa pamumuno ng kanyang mga tauhan sa gobyerno, lalo pa ng mga opisyal na direktang humaharap sa mga local government official sa buong kapuluan!

Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]