MAYROONG napakagandang balita ang Board of Investments (BOI) nitong Martes.
Ang Foreign Direct Investment (FDI) commitments sa Pilipinas para sa 2017 ay maaari na ngayong umabot sa P617 bilyon ang kabuuan. Malaking angat ito mula sa P442 bilyon noong 2016, ayon kay BOI Chairman at Department of Trade and Industry Secretary Ramon M. Lopez. Ito ang pinakamataas na naitala sa 50-taong kasaysayan ng BOI.
Nagtakda ang pamahalaan ng target na P500 bilyon para sa foreign investments sa 2017 Investments Priorities Plan nito na nagtalaga ng mga estratehikong sektor para sa nakatuong pag-unlad. Nariyan din ang programang pang-imprastruktura na “Build, Build, Build”, ang mga proyekto sa pagpapaunlad ng supply ng kuryente at ang inaasahang pagsulong ng domestic demand. Ang puntiryang P500 bilyon sa FDI ay nahigitan pa ng mga commitments na natanggap ng bansa.
Gayunman, dapat nating limiin sa perspektibo ang lahat ng magagandang balitang ito. Napag-iiwanan na ang Pilipinas sa mundo sa larangan ng paghimok ng dayuhang pamumuhunan. Sa bahagi nating ito sa mundo, nangunguna ang Hong Kong na may $1,891 billion, na masusukat sa US dollars, sa kabuuang FDI sa siyudad sa nakalipas na mga taon. Sa hanay naman ng mga kapwa natin kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), nangunguna ang Singapore sa $981 billion; ang Thailand ay may $218 billion; ang Malaysia ay mayroong $166 billion; habang ang Vietnam ay mayroong $100 billion.
Ang Pilipinas ay nakakuha lamang ng $58 billion sa nakalipas na mga taon—nasa P2.9 trillion.
Sa kabuuang FDI na ito ng Pilipinas, maidadagdag na natin ang bagong investment pledges na P617 bilyon. Ang mga bagong pamumuhunang ito ay mapupunta, una, sa mga proyekto sa enerhiya; ikalawa, sa mga proyektong imprastruktura; at ikatlo, sa sektor ng manufacturing; ikaapat, sa real estate; at ikalima, sa transportasyon at logistics.
Ang mga bagong dayuhang pamumuhunan ay ilalaan sa mga proyekto—una sa Region IV-A, Calabarzon; ikalawa, sa Region III, Cenral Luzon; ikatlo, sa National Capital Region, Metro Manila; ikaapat, sa Region I, Ilocos; at ikalima, Region 7 o Central Visayas.
Karamihan sa bagong pagpopondo ay ilalaan sa mga proyekto sa Luzon at Visayas kung saan inaasahan ng mga dayuhang namuhunan na magbubunga ang inilatag nilang kapital. Sakaling maging maayos na ang sitwasyon ng seguridad sa Mindanao, na nasa ilalim pa rin ng batas militar, makalipas ang isang taon, ang saganang likas-yaman ng rehiyon ay higit pang manghihikayat ng mas maraming dayuhang pamumuhunan. Sa ngayon, kailangang pangunahan ng mga lokal na mamumuhunan at ng gobyerno, na katatapos lang aprubahan ang pambansang budget, ang mga proyektong ilulunsad sa Mindanao.
Sa kabuuan, inaasahan natin ang isang magandang taon para sa bansa. Ang mga dayuhang pamumuhunan ay bahagi lamang ng umuunlad na ekonomiya, subalit magandang indikasyon ito ng mga dapat na asahan. Sinasalamin nito ang pandaigdigang kumpiyansa na sumusuporta sa lokal na inisyatibo, na lahat ay nangangakong magiging paborableng taon ang 2018 para sa bansa.