Ni PNA

SINIMULAN na ng Department of Health nitong Huwebes ang pagsubaybay sa mga insidenteng may kinalaman sa paputok sa bansa.

“We will start our Code White by December 21, 2017 and it will last until January 5, 2018,” sinabi ni Health Undersecretary Gerardo Bayugo sa mga mamamahayag, kasabay ng paglilibot ng mga health official sa mga ospital upang suriin ang kahandaan ng mga ito kaugnay ng maaaring pagdagsa ng mga nasugatan dahil sa paputok, partikular sa Disyembre 31, bisperas ng Bagong Taon.

Ang Code White alert ay ang pagiging handa ng mga tauhan ng ospital, gaya ng general at orthopedic surgeons, anesthesiologists, internists, iba pang mga doktor, operating room nurses, gayundin ang head at neck specialists, na tutugon sa mga biglaang sitwasyon.

“Our primary and secondary teams are ready. Our medicines are ready, and we are ready to receive patients,” sinabi ni Bayugo sa kanyang pagbisita sa University of Santo Tomas (UST) Hospital sa Maynila.

Una rito, sinuri ni Bayugo at ng iba pang opisyal ng kagawaran ang operasyon at mga tauhan ng Rizal Medical Center sa Pasig City at ang Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City.

Binisita rin nila ang UST Hospital, partikular ang emergency room, upang ipakita sa publiko kung paano sinusuri ang kagamitan ng ospital na gagamitin sa mga sugat na matatamo dulot ng paputok, gaya ng para sa pagpuputol ng buto, at mga itlog bilang first aid para sa pagkalanghap ng usok ng paputok.

Binigyang-diin ni Bayugo ang intensiyon ng Department of Health na ibilang ang UST sa listahan ng sentinel hospitals, na magbibigay ng datos tungkol sa mga pinsalang makukuha mula sa mga paputok, at mag-uulat ng wastong bilang.

“We are looking at expanding the number of hospitals that we would like to include in generating data on the casualties on firecrackers. Matagal na po itong 50 (sentinel) hospitals natin. And I think it is just proper that we expand and we increase the number, dahil dumami na po ang Pilipino, dumami na po ang ating ospital,” aniya.

Samantala, sa kasagsagan ng pagbisita, binanggit ni Dr. Marcellus Francis Ramirez, cardiologist at assistant medical director ng UST Hospital, ang pagkaunti ng firecracker-related injuries sa nakalipas na mga taon, na halos lahat ay nasugatan sa kamay.

“Actually last year, we had less than 10 and mostly minor injuries,” ani Ramirez, at sinabing nakapagtala rin sila ng hinika at iba pang problema sa paghinga, dahil sa pagkakalanghap ng usok ng paputok.

Umaasa ang kagawaran na maaabot nito ang zero firecracker-related injury ngayong Bagong Taon, lalo na dahil sa pagpapalabas ng Executive Order (EO) No. 28 hinggil sa regulasyon sa paggamit ng mga paputok at iba pang pyrotechnic devices.

Noong Enero, inihayag ng Department of Health ang 32 porsiyentong pagbaba ng pinsalang dulot ng paputok kumpara sa naitala sa nakalipas na mga taon.

May kabuuang 630 fireworks-related injuries — na walang namatay — ang naitala sa 50 sentinel hospital simula Nobyembre 21, 2016 hanggang Enero 5, 2017. Karamihan sa mga ito ay edad 10 hanggang 14.