Ni Lyka Manalo

LIPA CITY, Batangas - Patay ang isang retiradong pulis na negosyante na ngayon matapos umanong pagbabarilin ng mga holdaper sa harap ng kanyang asawa at mga tauhan sa Lipa City, Batangas, nitong Miyerkules ng gabi.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Supremo Casabuena, 56, ng Barangay Sabang, na dead on arrival sa N.L. Villa Hospital.

Dakong 8:00 ng gabi umano nang dumating sa kanilang bahay ang biktima kasama ang asawa na si Edna at mga tauhan, nang lapitan ng dalawa sa tatlong suspek at magdeklara ng holdap.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Nagtangka umanong manlaban ang biktima kaya pinagbabaril siya ng isa sa mga suspek at natangay mula kay Edna ang P60,000 cash, credit card at cell phone.

Tumakas ang mga suspek sakay sa Honda RS motorcycle, na kalaunan ay inabandona rin at lumipat sa ibang motorsiklo.

Narekober ng pulisya ang abandonadong motorsiklo at mga basyo ng bala ng .45 caliber pistol sa lugar ng krimen habang tinutugis na ang mga suspek.