Nina DANNY ESTACIO at FRANCIS WAKEFIELD, at ulat ni Beth Camia

REAL, Quezon – Pursigido ang isinasagawang rescue operations makaraang lumubog kahapon ng umaga ang pampasaherong fastcraft, na kinalululanan ng 251 pasahero, sa karagatan ng Barangay Dinahican sa bayan ng Infanta sa Quezon.

Sa huling report ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) kahapon ng hapon, mahigit 120 na sa mga pasahero ng M/V Mercraft 3 ang na-rescue.

Ayon kay Olivia M. Luces, director ng Office of Civil Defense (OCD)-Calabarzon, nailigtas ang nasabing bilang ng mga pasahero makaraang lumubog ang fastcraft bandang 11:33 ng umaga kahapon.

National

Bilang ex-DepEd chief: VP Sara, masaya sa naitayong museo sa Camarines Norte

Aniya, galing ang fastcraft sa Real at patungo sa Polillo Island nang lumubog sa Infanta.

Kumpirmadong 251 ang sakay sa vessel, na kayang magsakay ng hanggang 286.

Sinabi ni Luces na tuluy-tuloy ang ginagawang search at rescue operations ng Philippine Coast Guard (PCG)-Northern Quezon, Infanta Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), at Bgy. Dinahican responders.

Hindi pa batid ang aktuwal na dahilan ng paglubog ng bangka, at inaalam pa ito ng PCG.