NAGDILIM ang kapaligiran ng Rain or Shine Tiger Scribes nang maagaw ng Globalport Spurs ang korona sa pamamagitan ng dominanteng 80-62 panalo para makumpleto ang pagwalis sa Pakitang Gilas Basketball League Willie Caballes Cup Season 4 kamakalawa ng gabi sa makasaysayang Rizal Memorial Sports Complex. Kampeon sa unang taon ng ligang suportado ng Philippine Sports Commission, Philippine Basketball Association at Philippine Sportswriters Association, nasungkit ng Spurs ang titulo tangan ang 7-0 kartada.
Inangklahan ni Aldo Aviñante, Paolo Poblador at Jerome Lagunzad ang atake ng Globalport nang ibaon agad ang Rain or Shine, 17-7 sa panimulang bahagi ng laban.
Buhat noon, hindi na bumitaw pa ang Spurs sa manibela hanggang sa makapagtayo ng komportableng 24 puntos sa kalagitnaan ng huling kanto tungo sa inaasam na kampeonato.
Ibinuslo ni Aviñante ang 17 sa kanyang 29 puntos sa unang kanto pa lang at nagdagdag pa ng apat na rebounds habang may 21 puntos at anim na assists ang rookie na si Poblador. Nag-ambag naman ng anim na puntos, walong rebounds, dalawang steals at tatlong supalpal si Jerome Lagunzad ng Tempo/BALITA.
Tinanghal na Finals Most Valuable Player si Aviñante.
Samantala, nalimitahan naman ang scoring champion na si Cedelf Tupas sa 16 puntos gayundin ang top rebounder na si Diego Dela Paz sa siyam na puntos at siyam na rebounds para sa TigerScribes na nabigong madepensahan ang kanilang titulo.
Sa unang sagupaan, nagbuhos si Arnold Cagang ng 23 puntos, apat na assists at tatlong steals habang may kompletong 10 puntos, 13 rebounds at pitong assists naman si Christian Jacinto upang maisalba ng Best Center Pioneers ang ikatlong puwestong pagtatapos kontra sa Dymons, 51-47.