Kinondena ng Land Transportation Office (LTO) ang pagsasagawa ng ilang indibidwal ng fixing activities, na siyang labag sa mga umiiral na batas.
Sa isang abiso na inilabas ng LTO nitong Huwebes, Abril 16, mariing idiniin ng opisina na wala umanong puwang sa LTO ang mga fixers na gumagawa nito.
“The Land Transportation Office strongly condemns fixing activities,” saad ng LTO.
Anila, “Walang puwang ang fixer sa LTO. Sinumang empleyado na mapapatunayang sangkot ay mahaharap sa kaukulang administrative at criminal charges at maaaring matanggal sa serbisyo.”
“Fixers will be dealt with to the full extent of the law,” dagdag pa nila.
Paalala naman nila sa publiko, huwag na huwag makikipagtransaksyon sa mga fixer, at tiyaking dadaan sa tamang proseso.
Anang LTO, hindi nila kinukunsinti ang fixing activities.
“Magandang araw po. Sa ilalim ng pamumuno ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, ang fixing ay hindi po kinukunsinti ng ahensya at patuloy ang mahigpit na kampanya laban dito. Kung kayo po ay may nais i-report, maaari po kayong magpadala ng mensahe sa aming Facebook Messenger, kung saan maaari rin ninyong ipadala ang larawan o bidyo bilang ebidensya. Salamat po,” anang LTO sa kanilang pahayag.
Kamakailan lamang, iniulat ng LTO na apat na indibidwal ang inaresto ng awtoridad sa isang “anti-fixing operation” matapos maiugnay at masangkot sa ilegal na fixing activities sa Quezon City.