Ni PNA
BILANG pangunahing Kristiyanong bansa sa Asya, maraming Pilipino ang nakikiisa sa mga relihiyosong kapistahan, at ang pinakamalaki at pinaka-inaabangan sa mga ito ay ang Pasko.
Isa sa pinakamatatanda at pinakatanyag na tradisyon tuwing Pasko ay ang Simbang Gabi. Sa loob ng siyam na araw, malugod na binubuksan ng mga Simbahang Katoliko sa iba’t ibang panig ng bansa ang mga pintuan nito bago magbukang-liwayway upang himukin ang mga mananampalataya na dumalo at makiisa sa misa.
Ang siyam na araw na nobena sa Birheng Maria ay nagsisimula tuwing Disyembre 16 — minsan ay kasing aga ng 4:00 ng umaga — at nagtatapos sa “Misa de Gallo” tuwing bisperas ng Pasko, Disyembre 24, upang salubungin ang pagsilang ni Hesukristo.
Ang tradisyon ng Simbang Gabi ay nag-ugat pa sa Mexico nang pagbigyan noong 1587 ni Pope Sixtus V ang petisyon ni Fray Diego de Soria, mula sa kumbento ng San Agustin Acolman, na magdaos ng mga misang Pamasko sa labas dahil hindi na magkasya sa loob ng Simbahan ang napakaraming dumadalo sa panggabing misa.
Noong unang panahon, ipinag-iimbita ang mga misang pang-madaling-araw sa pamamagitan ng pagpapatunog sa kampana ng Simbahan. Sa ilang lalawigan, isang banda ng musiko ang naglilibot at tumutugtog ng mga musikang Pamasko sa buong lugar isang oras bago simulan ang Simbang Gabi.
Samantala, ilang Simbahan naman ang nagsasadula sa kuwento ng paghahanap nina Jose at Maria ng akmang lugar para sa pagsisilang ng huli sa pamamagitan ng “panuluyan”.
Pinaniniwalaan din na ilang pari ang nagbabahay-bahay sa pagkatok upang gisingin at tipunin ang mga mananampalataya para dumalo sa Misa De Gallo. Maagang gumigising ang mga mangingisda upang pakinggan ang Salita ng Diyos bago simulan ang pagtatrabaho, kasabay ang pananalangin para sa masaganang ani.
Sa kabila ng moderno at mistulang laging nagmamadali na pamumuhay ng maraming kabataan sa ngayon, maraming Pilipino ang napananatiling buhay ang tradisyong ito.
Higit pa sa pagiging isang tradisyon na nagbubuklud-buklod sa mga pamilya at pag-usal ng mga kahilingang nais mabigyang katuparan, binibigyang-diin ng Simbang Gabi ang tunay na dahilan ng selebrasyon. Ito ay ang pagpapasalamat sa Diyos sa mga paghamon at mga biyaya at pagdiriwang sa pagsilang ng ating Panginoong Hesukristo na naghahatid ng pananampalataya, pag-asa, at pagmamahal sa buhay ng bawat isa sa atin.