BOSTON (AP) – Balik-aksiyon si Kyrie Irving, balik din sa panalo ang Celtics.
Hataw si Irving sa naiskor na 30 puntos mula sa 12-of-19 shooting matapos ma-sideline ng isang laro bunsod ng ‘bruised quad’ para sandigan ang Celtics kontra Denver Nuggets, 124-118, nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).
Dismayado ang Celtics fans nang masilat ng kulelat na Chicago Bulls nitong Martes.
Nag-ambag si Jaylen Brown ng 26 puntos, habang kumana si Aaron Baynes ng 17 puntos para sa Boston.
Nanguna si Gary Harris sa Nuggets sa natipang 36 puntos, habang kumana si Jamal Murray ng 25 puntos.
BLAZERS 102, HEAT 95
Sa Miami, ginapi ng Portland Trail Blazers, sa pangunguna ni Damian Lillard na kumana ng 18 puntos, kabilang ang pitong sunod sa matikas na scoring run sa huling tatlong minuto ang Miami Heat.
Nakumpleto ni Lillard ang three-point play para sa 98-95 bentahe bago nasundan ng dalawang free throw para sa limang puntos na abante ng Blazers.
Nanguna si CJ McCollum na may 28 puntos sa Trail Blazers (14-13), habang natamo ng Heat ang 13-14.
Hataw si reserve Wayne Ellington sa Miami sa nahugot na season-high 24 puntos, tampok ang pitong three-pointers, habang kumubra si Dion Waiters ng 17 puntos.
THUNDER 100, PACERS 95
Sa Indianapolis, sinalubong ng kantiyaw ang pagbabalik ni Paul George sa dating home court, ngunit napatahimik niya ang crowd sa naisalpak na dalawang krusyal na free throw sa huling 10.7 segundo na nagpanalo sa Oklahoma City Thunder kontra sa Pacers.
Ratsada rin si Steven Adams na may 23 puntos at 13 rebounds, habang kumana si Russell Westbrook ng 10 puntos, 17 rebounds at 12 assists para sa ikasiyam na triple-double ngayong season.
Nanguna si Victor Oladipo sa Pacers sa nakubrang 19 puntos, habang kumana si Bojan Bogdanovic ng 15 puntos.
CLIPPERS 106, MAGIC 95
Sa Orlando, Florida, hataw si Lou Williams sa naiskor na 31 puntos, habang tumipa si DeAndre Jordan ng 16 puntos at 20 rebounds sa panalo ng Los Angeles Clippers kontra Orlando Magic.
Nanguna si Jonathon Simmons sa Magic sa naisalansan na 20 puntos, habang umeksena si Mario Hezonja na may 17 puntos at siyam na rebounds.