Ni Marivic Awitan

MATAPOS mabigong makamit ang korona sa nakaraang NCAA Season 93 men’s basketball tournament, balik aksiyon ang Lyceum of the Philippines University bilang paghahanda sa susunod na season sa pamamagitan ng muling paglahok sa PBA D-League na magbubukas sa Enero 18.

Ang koponan ng Pirates ang magdadala ng Zark’s Burger na nauna nang lumahok sa liga noong nakaraang taong Foundation Cup.

Pormal na ipinakilala kahapon sa isang simpleng press conference na ginanap sa Zarks Burger branch sa Taft Avenue, Manila ang mga miyembro ng Jawbreakers na gagabayan ng kanilang head coach na si Topex Robinson at pangungunahan ni reigning NCAA MVP CJ Perez.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Sa pagsasanib puwersa ng Zark’s at ng Lyceum, umaasa ang pamunuan ng Pirates na mas magiging maganda ang performance ng koponan kumpara sa nakaraang unang stint nila sa liga kung saan nakapagtala lamang sila ng isang panalo sa siyam na laro.

Bukod kay Perez, inaasahan ding mamumuno sa Jawbreakers sa kanilang pagkampanya sa D-League sina Cameroonian slotman Mike Nzeusseu, ang kambal na sina Jaycee at Jayvee Marcelino , Jasper Ayaay at Reymar Caduyac.

Tiyak ding aantabayanan ang pagbabalik aksiyon ng dating San Sebastian College standout na si Ranzel Yong na pagkaraang mag-sit out ng isang taon sa NCAA dahil sa injury ay sasabak na ngayon para sa Jawbreakers bilang paghahanda sa kanyang muli ring pagbalik sa NCAA bilang bahagi ng roster ng Pirates sa Season 94.

“We’ll try to get better dito sa D-League. That’s really our purpose of joining to prepare the boys for the next NCAA Season,” pahayag ni Robinson.

Sa kanilang paglahok sa D-League, umaasa si Robinson na mas magiging matibay ang kanyang mga players para sa susunod na NCAA Season kung saan hangad nilang muling makabalik sa finals at magkampeon kasunod ng naging kabiguan nila sa kamay ng San Beda noong nakaraang season pagkatapos maitala ang record na 18-game sweep sa eliminations.