Ni ADOR SALUTA

MATAGAL palang pinangarap ni Coco Martin na maging direktor ng pelikula. Ngayong taon, natupad na ito.

Ang isa sa walong official entries sa 2017 MMFF na ang Ang Panday na pinagbibidahan niya ay siya mismo ang nagdirek using his real name na Rodel Nacianceno.

Direk Coco copy

Trending

Babaeng gusto na magkaanak, nakipag-s*x sa iba dahil laging busy ang partner niya

Bago sumabak sa pagdidirehe, sumailalim muna siya sa pag-aaral sa premyadong indie filmmaker at mentor niyang si Brillante Mendoza.

“Noong bago pa ako, sabi ko, ‘Direk, kakapalan ko na ang mukha ko, gusto kong magdirek.’ (Sabi niya), ‘Dati ko pa naman sinasabi sa ‘yo kaya mo ‘yan’.”

Bukod kay Direk Brillante, humingi rin siya ng payo sa iba pang mga direktor tungkol sa technicalities sa pagdidirek, at ang mga ito ang iniaplay ng aktor sa kanyang first directorial job.

“Kumuha ako ng maraming taong magga-guide sa akin.Hindi ko naman p’wedeng sabihing kaya ko ‘yan, alam ko na ‘yan.

Kailangan ko ng makakatulong.

“Hayun, nu’ng lumabas o natapos naman ‘yung pelikula, sobrang happy naman ako kasi lahat ng nasa isip ko nangyari,” kuwento ni Coco.

Dahil hindi na siya aktor lang,tinatawag na rin siyang “Direk”.

“Nakakahiya po, pero paninindigan,” nahihiyang sabi ng bagong filmmaker. 

 

Nagmula sa paggawa ng indie bago pumalaot sa mainstream si Coco kaya totoo ang sinasabi niya na malalim na ang pang-unawa niya sa filmmaking.

“Sa proseso ng pinagdaanan ko sa indie hanggang sa pumasok ako sa telebisyon, siyempre, ang daming nakikitang mga bagay-bagay, ang daming nako-consider. Hanggang sa nakapasok na rin ako sa mainstream movie, naging iba na rin, lumalalim at nagiging iba ang pananaw.”

Sa paggawa ng mainstream movies, para kay Coco ay unang-una ang pagbibigay ng importansiya sa viewers.

“Kung dati pa ako nagdirek, pure indie ‘yon, baka talagang hardcore kasi doon ako nanggaling. Pero noong nagtelebisyon na ako at saka mainstream, natuto akong mag-consider. Sabi ko nga, itong pelikulang ito ay para ba sa akin as a director o sa viewer?

“Kaya sinabi ko na para sa viewer, ‘yun kasi ang natutunan ko mainstream at saka sa TV.

“Huwag kang maging makasarili kasi ‘di mo naman ginagawa ‘yan para panoorin mo lang mag-isa, eh. Ginawa mo ‘yan para mapanood ng lahat.

“Sa akin, ang gusto ko, ma-appreciate ng lahat ang pelikula.”

Bago pa man nag-shooting ng Ang Panday, hinangad na ni Coco na bigyan ng modern twist ang classic Pinoy superhero upang ma-appreciate ito ng millennials.

“No’ng binubuo ko siya, ang gusto ko medyo Pinoy kasi parang walang ma-Tagalog na movie ngayon, eh. Ayoko naman i-experiment na may ibang kakaibang elemento na ganyan.

“Kumbaga, sabi ko ‘pag pinanood mo siya, dinugtong ko ‘yung kuwento, ‘yung kuwento ng Panday ni FPJ, sa kuwento ko, magkadugtong siya.

“Kaya sabi ko nga, kahit si Lizardo pa’no siya tatawid in present time, which is du’n ako na-challenge no’ng binubuo ko ‘yung konsepto na parang pa’no ko siya gagawing bago, pa’no siya magiging interesting sa mata ng mga tao?

“Then, no’ng nabuo ko naman, happy ako. Kasi no’ng binubuo ko siya, sabi ko, dapat may mga ganitong elements…. No’ng binubuo ko ‘yung proyekto, iniisip ko ‘yung viewer ko, ano ‘yung gusto pa nila.”

Intensiyon din ni Coco na gawing maaksiyon ang pinakabagong Ang Panday, lalo’t nakasanayan na ng mga manonood sa FPJ’s Ang Probinsyano na nag-aaksiyon siya.

“Gusto ko ‘pag pinanood ‘yung pelikula definitely ang maiisip ng tao action ‘yan kasi Panday. Gusto ko iba, ‘pag napanood nila, ‘pag lumabas sila ng sinehan feeling ba nila busog sila, ‘yung sulit ‘yung ang ibinayad nila.

“Kaya dapat mas malaki ang action nito kaysa sa Probinsyano kasi, saProbinsyano gabi-gabi ko na napapanood ‘yun, eh.

“Sabi ko, dapat iba, dapat iba ‘yung approach kaysa sa napapanood nila sa Probinsyano.”

Masayang-masaya rin si Coco na binigyan ng G-rating ng MTRCB angAng Panday kaya tiyak na mapapanood ito ng karamihan sa mga kabataang umiidolo sa kanya.

“Sabi ko, definitely gusto ko may mga bata akong kasama. Kapag Pasko mga bata ‘yan, dapat may comedy, kaya nilagyan ko ng comedy, nilagyan ko ng fantasy.

“Sabi ko definitely may mag-boyfriend ‘yan, kaya nilagyan ko siya ng romance. Definitely may mga nanay at lolo ‘yan, kaya nilagyan ko siya ng drama.”

Sa madaling sabi, bilang direktor, tiniyak ni Coco na wala nang hahanapin pa ang mga manonood sa Ang Panday.

“Gusto ko ‘pag nanood sila lahat ng hinahanap nilang elements sa isang pelikula nandoon. At saka gusto ko kitang-kita ‘yung pagiging Pilipino,” may pagmamalaking kuwento pa ng bagong direktor.