NI: Mary Ann Santiago

Sugatan ang anim na magkakamag-anak matapos pagtulungang bugbugin at saksakin ng tinatayang 10 lalaki na kanilang nakaaway sa puwesto ng tindahan sa Tondo, Maynila kamakalawa.

Kasalukuyang nagpapagaling sina Abdul Rauf Saripada y Balt, 45, vendor; Alwalid Saripada y Macabanding, 24, vendor; Aiza Saripada y Cawasatig, 22, vendor, pawang residente ng 1371 Hernandez Street, Tondo; Amladin Saripada y Macabanding, 32, vendor, kapatid ni Alwalid; Nashiba Isma y Macabanding, kapwa residente ng 648 San Miguel St., Quiapo; at Ansano Saripada y Mikawayan, 17, vendor, at residente ng Antonio Rivera St., Tondo.

Samantala, inaalam pa ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek, na hindi bababa sa 10, na pawang nagsitakas matapos ang krimen.

National

Sen. Imee, 'di dadalo sa Alyansa rally; mas importante raw kaso ni FPRRD

Sa imbestigasyon ni PO3 Jay-Ar Mercado, ng Manila Police District (MPD)-Station 2, naganap ang insidente sa Antonio Rivera St., dakong 11:30 ng gabi.

Sa salaysay ni Amladin sa pulisya, bago ang krimen ay nakatanggap siya ng tawag mula sa kanyang kapatid na si Alwalid na may mga lalaki itong nakatalo sa Claro M. Recto Avenue, hinggil sa puwesto ng kanilang paninda.

Nauwi umano sa rambol ang pagtatalo at naging sanhi ng pagkasugat ni Alwalid.

Dahil dito, niyaya ni Almadin si Abdul Rauf at pinuntahan si Alwalid upang payapain ang sitwasyon ngunit lingid sa kanilang kaalaman ay inaabangan na sila ng mga suspek na armado ng wooden bats, bakal na tubo at mga patalim.

Nang makita sila ng mga ito ay kaagad na silang pinagtulungan.

Nabatid na si Abdul Rauf ay nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan, habang si Alwalid ay nasugatan sa kaliwang paa at si Amladin ay nasugatan sa kaliwang tenga.

Tinangka rin umanong tulungan nina Nashiba at Aiza ang tatlo ngunit maging sila ay hindi pinatawad at pinagsusuntok ng mga suspek.

Nasugatan din sa paa si Ansano nang maapakan ang mga bubog na mula sa mga boteng inihagis sa kanila ng mga suspek.

Natigil lamang ang gulo nang makasakay ang mga biktima sa tricycle upang tumakas at dumiretso sa ospital upang magpagamot.

Patuloy ang pagtugis sa mga suspek.