Ni JIMI ESCALA
AMINADO si Coco Martin na nagdududa siya sa sarili niya noong uumpisahang gawin ang 2017 Metro Manila Film Festival entry na Ang Panday na hindi lang siya actor kundi direktor at producer din.
Pero dahil sa malaking tiwalang ipinaramdam sa kanya ng mga makakatrabaho niya at sa gabay na rin ng Diyos ay naglakas-loob ang Primetime King.
“Sa totoo lang naman, eh, lahat naman tayo, every time na papasok tayo sa isang bagong pakikipagsapalaran, hindi naman tayo gano’n ka-experienced, eh, may naramdaman tayong duda sa sarili natin.
“Kumbaga, naitanong agad natin sa sarili natin, kung kaya ba natin ito. Ando’n ‘yung kaba lalung-lalo na nu’ng first day shooting namin,”sabi pa ng premyadong actor.
Ikinuwento rin ni Coco ang paggawa niya ng indie films noon at inamin ang pagbibigay ng mga suhestiyon at pagkausap sa mga naging director niya kung puwede ang mga naisip niyang alam niyang makakatulong para lalong mapaganda ang indie movie nila.
“Hindi lang naman sa mga ginagawa kong indie movie pati na rin sa ibang pelikula at sa mga teleserye, eh, nagbibigay rin ako ng suggestions o mga ideya.
”Pero iba pa rin itong ikaw ang mismo ang director ng pelikula mo. Kumbaga, sa balikat mo lahat nakapatong. Sabi ko nga, eh, parang kapag nagkamali ka diyan sa gagawin mo, eh, desisyon ‘yan, eh,” sey ni Coco.
Ipinagmamalaki niya ang taglay niyang lakas ng loob.
“Ako kasi, sabi ko nga, eh, hindi basta nakukuntento lalung-lalo na sa isang bagay na madali at mukhang simple lang namang gawin. Kumbaga, gusto ko maganda kong maipakita ‘yun sa mga manonood,” banggit pa ng bida ng FPJ’s Ang Probinsyano at Ang Panday.
Ang isa sa nagbigay sa kanya ng challenge bilang director ng pinakabagong bersiyon ng Ang Panday ay ang eksenang kinunan nila sa Divisoria.
Sa mga kuwento pa lang ni Coco sa execution sa naturang eksena, excited na kaming mapanood ang MMFF entry niya.
No doubt, nitong nakaraang weekend sinimulan na agad niya ang paglilibot sa iba’t ibang key cities para mag-motorcade at i-promote ang obra-maestra niya. Maaga niyang natapos ang shooting, kaya siya rin ang pinakamaagang nagpo-promote ng pelikula.
Ngayon pa lang, sa sipag ni Coco simula sa produksiyon hanggang sa promo, marami na ang humuhula na pelikula niya ang dudumugin nang husto sa paparating na filmfest.
Siya naman talaga ang pinakamasipag sa lahat ng artista ngayon. May iba pa ba?