NI: Gilbert Espeña

BUKOD sa napasaya ni Mark “Magnifico” Magsayo ang kababayang Boholano sa pagwawagi sa kumbinsidong 12-round unanimous decision kay Japanese challenger Shota Hayashi, tiyak nang malilinya siya sa world title fight laban kay Oscar Valdez ng Mexico.

Napanatili ni Magsayo ang kanyang WBO International featherweight title kaya tiyak na aangat siya sa world rankings.

Kasalukuyang siyang No. 2 kay Valdez, No. 7 kay WBC featherweight titlist Gary Russel Jr ng United States at No. 14 kay IBF titlist Lee Salby ng United Kingdom.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Inamin ni Hayashi na muntik na siyang sumuko sa 9th round nang tamaan sa bodega ni Magsayo ngunit nakarekober siya hanggang matapos ang laban. Bago ang laban, inihayag sa media ng Hapones na magreretiro na siya kung matatalo kay Magsayo.

Nagwagi si Magsayo sa mga iskor na 116-112 kina judges Edward Ligas, Edgar Olalo at Tony Pesons para mapaganda ang kanyeng rekord sa perpektong 18 panalo, 13 sa pamamagitan ng knockouts. Bumagsak ang kartada ni Hayashi sa 30-7-1 na may walong pagwawagi sa knockouts.

“He was very tough. It was my hardest fight thus far. He had a very tough chin. I felt that I hurt him,” sabi ni Magsayo sa media matapos ang laban. “I was not thinking of a knockout because I felt that he was a formidable opponent.”

Posibleng makaharap ni Magsayo sa kanyang susunod na laban si WBO No. 1 contender Joseph Diaz Jr. ng US sa 12-round title eliminator. Mabigat kalaban si Diaz na may perpektong rekord na 25 panalo, 13 sa knockouts pero handa-handa na si Magsayo para matupad ang pangarap na maging kampeong pandaidig.