Ni REGGEE BONOAN

NGAYONG araw ang premiere telecast ng Hanggang Saan na pagbibidahan nina Sylvia Sanchez at Arjo Atayde. Isa sa bucket list ni Sylvia ang pagsasama nilang mag-ina sa teleserye.

Sa dating timeslot ng The Greatest Love (TGL) eere ang Hanggang Kailan kaya biniro namin ang aktres na mukhang siya na ang may-ari ng puwestong ito.

Sylvia Sanchez
Sylvia Sanchez
“Huy, hindi, ‘no! Baka suwerte ko kasi ang oras na ‘yon. Wala namang artistang may-ari ng timeslot. Iyon ang desisyon ng management na ibalik ako sa ganu’n oras. Pang-after lunch ako, ha-ha-ha, hindi pang-primetime,” masayang sagot ni Ibyang. “Ay, saka wala namang nakakaalam na magki-click noong ilagay sa ganu’n oras ang The Greatest Love. Suntok sa buwan nga iyon.”

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Dati nga namang tahimik ang oras na iyon sa TV, dahil nagpapahinga na ang mga naiiwan sa bahay pagkatapos ng pananghalian o kadalasan pagkatapos manood ng It’s Showtime ay pinapatay na ang telebisyon para mag-siesta. Pero dahil maganda ang kuwento ng TGL inabangan iyon ng viewers araw-araw at tumaas ang ratings hanggang sa pagtatapos.

Pinatunayan din ito sa kaliwa’t kanang awards na natatanggap ni Ibyang at ng show mula sa iba’t ibang award-giving bodies.

Samantala, sa grand presscon ng Hanggang Saan ay puro papuri ang sinasabi tungkol sa pakikitungo ni Sylvia sa set hindi lang sa kapwa niya mga artista kundi maging sa buong production staff and crew.

Maganda ang paliwanag ng aktres kung bakit pantay-pantay ang pagtingin niya sa mga katrabaho niya.

“Gusto ko kasi sa bawat show ko, walang bida, walang supporting isang pamilya tayo, kailangan unsummed tayo. Kailangan kapag umangat ang isa, aangat ang lahat. Ito parati ang sinasabi ko sa lahat ng co-actors ko. Like si Yves (Flores), ngayon ko lang siya makakatrabaho at promise ko sa sarili ko, kung ano ‘yung pagmamahal na ibinigay ko kay Joshua (Garcia) sa TGL, na gagawin ko rin kay Yves. Like first day, sinabihan ko siya, ‘Yves anak kita rito kaya kailangan mong maging close sa akin, kailangan natin maging open. Kaya sa set, itinuturing ko siyang anak.

“At si Joshua, nakikita ko kay Yves na later on. Aangat siya rito parang si Joshua, maniwala kayo, magaling si Yves.

“At gagawin ko rin kay Sue (Ramirez), of course si Teresa (Loyzaga) magkaibigan kami at si Ariel (Rivera), nanay, ha? Nanay mo talaga ako,” biro ng aktres. “Gusto ko umangat sila hindi lang ako o bilang si Sonya dahil hindi ako magiging maligaya nu’n.

“Ayokong solohin itong Hanggang Saan, gusto ko umangat lahat ang co-actors namin ni Arjo kasi hindi ko ito magagawa kung wala sila. And gusto ko ring ibalik ang papuri na iyon sa GMO (Ginny Monteagudo-Ocampo) unit kasi sila ganu’n din, lahat bida.”

Makahulugan ang paliwanag ng aktres, may karanasan ba siya noon na nali-left out o hindi siya pinapansin dahil halos lahat ng mga nakatrabaho niya ay kasama na niya sa mga lakad ng pamilya sa ibang bansa lalo na ang mga bagets na artista.

“Siguro kasi ganu’n klase akong tao, ganu’n ako pinalaki ng nanay ko. Ugali ko na ‘yun na para akong mother hen na kapag kaibigan ko, poprotektahan ko lahat.

“Pero gusto kong maging honest. Hindi ko kasi ito naranasan noong bago ako. Iba ang naranasan ko noong supporting lang ako. Marami akong naranasang masasakit sa co-actors ko. Kaya pangako ko sa sarili ko, kung halimbawang maging bida ako isang araw, sisiguraduhin kong lahat magiging close ko, lahat pagkakaisahin ko, kahit sa acting unsummed kami, hindi ako magpapakabida kasi ayaw ko ‘yung ginawa sa akin noon at naranasan ko, eh, maranasan din ng iba nakatrabaho ko.

“Saka hindi ako nagiging masaya na angat ako ‘tapos ‘yung iba hindi, ayaw ko no’n. Gusto ko sabay tayong umangat lahat, ‘yun ang nakuha ko sa nanay ko.

“Kaya bilang si Sonya dito sa Hanggang Saan, ako ang bida, yes, masarap pakinggan, pero ayaw ko, kasi hindi ko kayang mag-isa kung wala ang co-actors ko,” mahabang kuwento ng aktres.

Hmmm, malalim ang mga hugot ni Sylvia. Pero siguro naman ‘yung mga dating nakasama na hindi siya pinapansin ay mababait na ngayon sa kanya.

Anyway, sina Mervyn Brondial at Jeffrey Jeturian ang mga direktor ng Hanggang Saan, at nasa cast din sinaMaris Racal, Marlo Mortel, Sharmaine Suarez, Nikko Natividad, Mercedes Cabral, Junjun Quintana, Anna Luna, Rubi-Rubi, Jenny Miller, Rommel Padilla, Arnold Reyes, Viveika Ravanes, Ces Quesada, Nanding Josef, Maila Gumila at special participation sina Luke Alford at Eric Quizon.