Ni: Dave M. Veridiano, E.E.
KUNG sa pelikula ay maipagmamalaki ng isang artista ang pagganap na humihimas ng rehas na bakal sa kulungan, siguradong sa tunay na buhay ay iiyakan niya ito at bigay-todo ang pagsisising gagawin—ngunit kahit kailan, ‘ika nga sa isang matandang kasabihan: “Laging nasa huli ang pagsisisi!”
Ito ang kinahinatnan ng “indie actor” na si Eugene Kiro Tejada matapos na mamatay sa ospital ang lalaking binugbog niya sa loob ng palikuran sa isang supermarket sa San Mateo, Rizal nitong Miyerkules.
Ang kabalintunaan nito, si Tejada pa mismo ang nagdala sa San Mateo Police Station sa mala-gulay niyang nabugbog na si Frenil Bautista, 44, at sinampahan ng reklamong “acts of lasciviousness” dahil sa umano’y pagsandal nito sa kanyang “kinakasama” na si Mary Jane Malilin, habang naglalakad sa loob ng supermarket.
Dahil sa maselang kalagayan ni Bautista habang iniimbestigahan sa presinto agad siyang itinakbo sa Marikina Valley Medical Center at dito na siya nag-comatose. Makaraan lamang ang dalawang araw, namatay si Bautista na ayon sa mga imbestigador ay dahil umano sa pinsalang inabot nito sa ulo—basag ang bungo—at bali-bali ang buto sa itaas na bahagi ng katawan dahil sa matinding bugbog na inabot mula kay Tejada. Mismong ang mga doktor na tumingin kay Bautista ang nagpahayag sa sobrang pahirap ang inabot ng biktima sa kamay ng bumugbog dito.
Ayon kay kosang Fernan Marasigan, isang dating kasama kong reporter na nagko-cover sa Defense Beat—sa Camp Aguinaldo at Camp Crame—ang bilas niyang si Bautista, na isang administrative supervisor sa Beta Equipment Sales Corp.,at nakatira sa Batasan Hills sa Quezon City, ay tahimik at matinong tao ngunit may problema sa kalusugan. Maaari umanong umatake ang sakit nito, nahilo at ‘di sinasadyang napasandal kay Malilin, na ikinagalit naman ng nag-over-react na si Tejada.
Batay sa resulta ng pagsusuri sa ospital na nakuha ni Senior Police Officer 1 Wilmer Privado, officer-on-case, ay malabong magawa ni Bautista ang bintang sa kanya ni Tejada. Kinatigan nito ang pahayag ni Kosang Fernan na diabetic at hypertensive ang biktima at maaaring nahilo ng mga oras na iyon at aksidenteng napasandal sa GF ni Tejada.
“Sa tingin namin, hindi ginawa ni Mr. Frenil na sadyain, kasi during that time, nagha-hypertension na siya. May diabetes na siya. Nahihilo na siya, which is clinically, sa mga medical records niya, totoo naman,” pahayag ni SPO1 Privado.
Sang-ayon ako sa pahayag ni SPO1 Privado na maaaring aksidente lamang ang pagkakasandal ni Bautista sa GF ni Tejada—at ang mali talaga ay ang... pagiging bayolente ni Tejada. Dapat ay kinausap muna niya si Bautista nang malumanay para nalaman ang problema—at baka natulungan pa niya ito sa umaatakeng sakit!
Sa tagal kong naging police reporter, marami na akong nasaksihang mga disenteng taong walang nagawa ang pera at koneksiyon sa kasong kanilang kinaharap dahil lamang sa biglang pag-iinit ng ulo at pagiging bayolente sa isang napakaliit lamang na insidente na puwede namang maayos agad sa malumay na pag-uusap.
Mahirap humimas ng rehas na bakal ng kulungan lalo na ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan…dagdag pa ng konting lamig ng ulo at habaan ang pasensiya sa isang biglang eksena na ‘di inaasahan, upang ‘di na umabot sa pagsisising lagi na lamang nasa hulihan ng pangyayari!
(Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected])