Dinakma ng awtoridad ang most wanted personality sa Taguig City kamakalawa, kinumpirma ng Southern Police District (SPD).

Kinilala ni SPD public information chief Superintendent Jenny Tecson ang suspek na si Laxer Osmeña, alyas Laxer, 26, ng No. 240 ML. Quezon Street, Barangay Hagonoy, Taguig.

Sa bisa ng warrants of arrest para sa kasong homicide, paglabag sa Republic Act (RA) 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, two counts ng paglabag sa Omnibus Election Code at attempted murder, inaresto ng nagsanib-puwersang tauhan ng Intelligence Unit ng SPD at ng Intelligence Section and Warrant Section ng Taguig City police si Osmeña sa loob ng kanyang bahay, bandang 4:45 ng hapon.

Ayon kay Chief Inspector Jerry Amindalan, SPD intelligence unit director, nakatanggap sila ng tip na nasilayan si Osmeña sa nasabing lugar makalipas ang ilang buwang pagtatago.

National

‘I have no idea!’ Bato, wala raw alam sa ‘reward system’ para sa drug war

“Talagang madulas ito at matagal na siyang nasa listahan ng most wanted namin kaya nagpadagdag na kami ng tao sa Taguig (police) para mahuli siya. Nang mahuli, inamin naman niya ‘yung mga kasalanan niya,” sabi ni Amindalan sa Balita.

Sinabi niya na apat na buwan silang nagsagawa ng intelligence operation laban kay Osmeña bago siya inaresto.

Bukod diyan, sinabi ni Amindalan na si Osmeña ay may kaugnayan sa isang makapangyarihang political clan sa Taguig City kaya siya nakalulusot sa police operations.

Ayon pa kay Amindalan, si Osmeña ay may warrant of arrest para sa kasong homicide, na may Criminal Case No. 117-TG, kung saan isang lalaki ang pinatay noong 2016.

Mayroon ding warrant of arrest si Osmeña sa paglabag sa Sec 1(a) ng Omnibus Election Code, na may Criminal Case No. 119-TG; at sa paglabag sa Sec 1(f) ng Omnibus Election Code, na may Criminal Case No. 120-TG, na inisyu ni Judge Paz Esperanze Cortes, presiding judge ng Taguig Regional Trial Court (RTC) Branch 271 na may petsang Hunyo 15, 2017.

Bukod diyan, mayroon din siyang warrant of arrest para sa kasong attempted murder, na may Criminal Case No. 1261, na inisyu ni Judge Mariam Bein, presiding judge ng Taguig Regional Trial Court Branch 153 na may petsang Setyembre 22, 2017. - Martin A. Sadongdong