SA ikalimang sunod na taon, magtutuos ang three-time girls champion National University at University of Santo Tomas sa Finals matapos magsipagwagi sa kani-kanilang Final Four matches sa UAAP Season 80 high school volleyball tournament nitong weekend sa Filoil Flying V Centre.

Ginapi ng Lady Bullpups ang first-time semifinalist Far Eastern University-Diliman, 25-27, 25-11, 25-15, 25-23,habang pinadapa ng Junior Tigresses ang La Salle-Zobel, 25-21, 24-26, 25-18, 25-16.

Magsisimula ang best-of-three series ng NU at UST sa Nobyembre 27 sa naunang nabanggit na venue sa San Juan City.

Nagtapos na pangatlo ang Junior Lady Spikers at pang-apat naman ang Baby Tamaraws.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Samantala sa boys division, umabot ang FEU-Diliman sa unang pagkakataon sa Finals matapos igupo ang fourth-ranked University of the East, 22-25, 25-23, 28-30, 25-17, 15-12.

Nagsimula lamang sumali noong Season 77 ang Baby Tamaraws na tumapos sa eliminations na may 12-2 record.

Sa isa pang laro, nakahirit naman ngwinner-take-all match ang titleholder NU matapos talunin ang second-ranked UST, 25-16, 25-21, 17-25, 26-28, 15-11.

Gaganapin ang duwelo ng Tigercubs at Bullpups sa darating na Miyerkules. - Marivic Awitan