Ni: Jun Fabon
Patay ang isang hindi pa nakikilalang lalaki habang sugatan ang isang babae sa pagliyab ng apoy sa isang bahay sa Barangay Commonwealth, Quezon City kahapon.
Sa inisyal na ulat ni Quezon City District Fire Marshal Manuel M. Manuel, kinikilala pa ang nasawing biktima habang nagtamo ng 1st degree burns si Myla Concepcion, 29.
Base sa ulat, sumiklab ang apoy sa isang kuwarto sa ikalawang palapag ng bahay sa No. 5173 Bolova Street, IBP Raod, Bgy. Commonwealth, bandang 12:30 ng hapon.
Nahihimbing umano ang biktima, na umano’y bisita sa bahay, at hindi nagawang makalabas mula sa lumalagablab na kuwarto.
Nagtamo naman ng mga paso sa katawan si Myla.
Umabot sa unang alarma ang sunog, na puminsala sa P100,000 halaga ng ari-arian, bago naapula pasado 1:00 ng hapon.