MAHIGIT isang buwan pa lamang ang nakalilipas, Oktubre 1, nang magpaulan ng bala ang nag-iisang suspek sa mga nagkakasiyahan sa isang country music festival sa Las Vegas, Nevada, sa Amerika na pumatay sa 58 katao, habang mahigit 515 ang nasugatan. Ito ang pinakamatinding insidente ng pamamaril sa kasaysayan ng Amerika.

Nitong Nobyembre 5, isang armadong lalaki ang namaril habang may congregation sa isang simbahang Baptist sa maliit na bayan ng Sutherland Springs sa Texas, at 26 ang namatay habang 20 naman ang nasugatan. Ito ang ikalimang pinakamalagim na mass shooting sa kasaysayan ng Amerika.

Hanggang ngayon, hindi pa rin batid kung bakit ginawa ng mga suspek ang maramihang pamamaslang. Pareho silang puti, subalit wala marahil kinalaman ang kanilang kulay kung bakit pinili nilang pumatay ng maraming tao na hindi nila kilala.

Sa nakalipas na mga insidente ng pamamaril sa Europa, karaniwan nang ang mga salarin ay mga miyembro ng jihadist na Islamic State (IS), na taglay ang ideyolohiya ng extremist Islam. Ang katatapos na rebelyon sa Marawi City ay pinangunahan ng mga mandirigma ng IS na hangad na magtatag ng kanilang sentro sa Timog-Silangang Asya para sa pandaigdigang Islamic State caliphate.

Ang bantang ito ng mga jihadist ang nasa isip ni United States President Donald Trump nang igiiit niyang ipagbawal ang mga immigrant at mga turista mula sa limang karamihan ay bansang Muslim sa Gitnang Silangan. Subalit ang dalawang huling mass killings sa Nevada ar sa Texas ay hindi sumusuporta sa kanyang pinangangambahan. Ang mga suspek ay hindi Islamist jihadist. Ang suspek sa Las Vegas ay isang mayamang golf-playing casino gambler; ang salarin naman sa Texas ay beterano ng US Air Force na sinibak sa militar noong 2014 dahil umano sa pananakit sa kanyang asawa at anak. Kapwa walang kaugnayan sa anumang grupong terorista ang dalawa.

Ang pamamaslang sa Texas, gaya ng nangyari sa Nevada isang buwan na ang nakalipas at tulad ng iba pang kaparehong insidente sa Amerika sa nakalipas na mga taon, ay nagsulong ng mga panawagan mula sa maraming sektor para sa mas istriktong batas sa pagmamay-ari ng baril sa Amerika. Subalit ang pagmamay-ari ng baril ay isang respetadong tradisyon sa kasaysayan ng Amerika, malaking bahagi ng kultura ng American West, at protektado ng Konstitusyon ng Amerika.

Matapos ang pamamaril sa Texas, inaasahan nang mas marami pa ang mananawagan para sa pagpapatupad ng limitasyon, gaya ng pagbabawal sa mga indibiduwal na may posibilidad ng pag-abuso rito, gaya ng kaso ng sinibak na beterano ng Air Force. Lahat ng ibang bansa, kabilang ang Pilipinas, ay nagpapairal ng istriktong batas sa pagmamay-ari ng baril.

Ngunit ikokonsidera ang matagal nang tradisyon at ang makapangyarihang gun lobby, malaki ang posibilidad na hindi magpapatupad ng pagbabago ang Amerika sa kasalukuyang sitwasyon nito. Hindi pa sapat ang galit ng publiko para aksiyunan ng US Congress ang mga panawagan. Kung gayon, maaaring sabihing asahan ng Amerika na magkakaroon pa ng mga kaparehong pag-atake sa kanilang bansa sa mga susunod na buwan at taon.