Ni TARA YAP at ng PNA

ILOILO CITY – Apat na taon na ang nakalipas matapos na manalasa ang pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan, ang ‘Yolanda’, pero hindi pa rin nalilipatan ng mga nakaligtas sa kalamidad sa Antique ang mga ipinangakong pabahay para sa kanila.

110717_ANTIQUE_YOLANDA-HOUSING_KP UNFINISHED—This housing site for survivors of super typhoon Yolanda (Haiyan) in Bugasong town, Antique province remains unfinished.  This is one of the many Yolanda housing sites remain in limbo. (KP)
110717_ANTIQUE_YOLANDA-HOUSING_KP
UNFINISHED—This housing site for survivors of super typhoon Yolanda (Haiyan) in Bugasong town, Antique province remains unfinished. This is one of the many Yolanda housing sites remain in limbo. (KP)

Ayon kay Fr. Jose Elmer Cajilig, Western Visayas convenor ng Kilusang Pagbabago (KP), nakatanggap sila ng mga reklamo mula sa mga reasidente ng mga bayan ng Bugasong at Pandan.

Trending

Estudyante sa Thailand, naipit ulo sa railings kasusulyap kay 'Crush'

Nagtungo ang KP sa Bugasong at nakumpirmang hanggang ngayon ay hindi pa rin tapos ang proyektong pabahay ng National Housing Authority (NHA). Wala pa ring Yolanda survivor ang naire-relocate sa alinman sa 1,787 housing unit.

Ayon sa mga residenteng nakatuloy sa labas ng hindi pa rin tapos na pabahay, binabaha ang kanilang mga tirahan tuwing malakas ang ulan. Nangyari lamang ito, ayon sa kanila, makaraang i-bulldozer ng EDDMARI Construction ang kabundukang bahagi ng Barangay Lacayon at sakupin ang apat na creek ng Yolanda housing project.

Sa bayan ng Pandan, inirereklamo naman ng mga residente ang isa pang proyektong pabahay na naminsala ng ilang sakahan.

WALANG AKSIYON?

Lumagda sa mga petisyon ang mga residente at pormal itong idinulog sa Department of Agrarian Reform (DAR) at kay Pandan Mayor Jonathan Tan, subalit hindi umano naaksiyunan ang reklamo.

Samantala, nangako naman si Fr. Cajilig na idudulog niya ang usapin sa Office of the Participatory Governance, sa ilalim ni Cabinet Secretary Leoncio Evasco Jr.

Samantala, hanapbuhay at supply ng malinis na tubig naman ang pinoproblema ng mga taga-Tacloban City, Leyte—ang pinakamatinding sinalanta ng Yolanda dahil sa dambuhalang storm surge na nanalasa sa siyudad sa kasagsagan ng bagyo noong Nobyembre 8, 2013.

TRABAHO, KAPOS

Ayon kay Rex Gabrinao, 38, bago nanalasa ang bagyo ay kumikita siya ng P1,000 sa araw-araw na pangingisda, pero ngayong namamasada na siya ng tricycle ay umaabot na lang sa P200-P300 kada araw ang kita niya sa nakalipas na dalawang taon.

Kabilang si Gabrinao sa mga tumanggap ng 33-square meter na konkretong bahay na ipinatayo ng NHA sa Bgy. San Roque.

Kuwento naman ng isa pang nakinabang sa pabahay, si Maria Cristina Emnas, 22, kakapiranggot na lang ngayon ang kita ng kanyang mister sa pangingisda dahil kinakailangan pa nitong mamasahe, na masyado umanong magastos.

“Gumagastos siya ng P60 hanggang P70 sa araw-araw na pasahe sa pangingisda sa San Jose, na malayo sa bago naming bahay. Noong bago mag-Yolanda, ilang hakbang lang mula sa bahay namin ‘yung dagat kung saan siya nangingisda,” ani Emnas.

Sinabi ni Tacloban City Mayor Cristina G. Romualdez na nagsasagawa ng livelihood training ang pamahalaang lungsod, katuwang ang gobyerno, para matulungan ang mga walang trabaho sa siyudad.

Kinumpirma naman ng National Economic and Development Authority (NEDA) nitong Lunes na hanggang ngayon ay hindi pa nasisimulan ang ilang livelihood project sa Eastern Visayas.

LIBRENG SAKAY

Sa larangan ng transportasyon, naglaan ang Office of the Presidential Assistant for the Visayas ng anim na bus na libreng nagsasakay sa mga na-relocate na pamilya. Gayunman, libu-libo pa rin ang namamasahe dahil hindi sapat ang nasabing bus sa mga lumuluwas sa kabayanan.

Samantala, supply naman ng malinis na tubig ang pinoproblema ni Evangeline Sanchez, 40, may asawa at apat na anak.

RASYONG TUBIG, KULANG

Para sa kanilang pamilya, aniya, nirarasyunan lamang sila ng limang jug o 10 litro ng tubig araw-araw para sa paliligo, pagbabanyo, pagluluto at paglalaba. Bumibili pa sila ng inuming tubig, na nagkakahalaga ng P30 bawat jug.

“Hindi sapat sa amin ‘yung five jugs ng tubig araw-araw. Sa mga araw na walang rasyon, napipilitan kaming bumili ng tubig sa private water delivery services,” sabi ni Sanchez.