Manila, Philippines - Nagpaabiso kahapon ang Department of Transportation (DOTr) sa inaasahang pagsisikip ng trapiko sa Quirino Highway simula ngayong Lunes, bunsod ng konstruksiyon ng Metro Rail Transit (MRT)-Line 7.

Pinayuhan naman ng MRT-7 Project Traffic Management Task Force ang mga motorista na umiwas sa Quirino Highway, at sa halip ay dumaan sa mga alternatibong ruta patungo sa kanilang destinasyon, upang hindi maipit sa matinding trapiko.

Ayon sa task force, ang mga patungo sa Quezon Memorial Circle mula sa Caloocan at San Jose del Monte, Bulacan ay maaaring dumaan sa Sampaguita Road, Malaria Road, at Malanting Road, patungo sa Maligaya Road.

Ang mga patungo naman sa Caloocan at San Jose del Monte mula sa Quezon Memorial Circle, ay maaaring dumaan sa Regalado Highway, patungo sa Ascencion, o kaya ay sa Mindanao Avenue patungo sa Ascencion o Carida-Esperanza.

National

Nika, palabas na ng PAR; Ofel, mas lumakas pa habang nasa PH Sea

Umapela rin ang task force sa publiko ng pasensiya at tiyaga, gayundin ng buong kooperasyon mula sa mga motorista, sa pagtalima sa mga batas-trapiko at mga regulasyon, upang makaiwas sa iba pang abala sa kalsada habang nagpapatuloy ang konstruksiyon ng MRT-7.

Ang naturang P69.3-bilyon railway project, na may habang 22-kilometro, ay mag-uugnay sa Quezon City at Bulacan. - Mary Ann Santiago