NI: Bella Gamotea

Isang araw matapos ang Undas, sinimulan agad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang clean-up drive sa mga sementeryo sa Metro Manila at nakahakot ng limang toneladang basura.

Ayon kay Bong Nebrija, head ng Operation Division ng MMDA, mas kakaunti ito kumpara sa nahakot na basura noong 2016, na umabot sa 27 tonelada.

Base sa datos ng ahensiya, nasa 4.56 cubic meters o 1.2 tons ang nakolektang basura sa Manila North Cemetery; 0.72 cu.m. o 0.20 tons sa Manila South Cemetery; 5.92 cu.m. o 1.68 tons sa San Juan Public Cemetery; 3.68 cu.m o 1.04 tons sa Bagbag; 0.64 cu.m. o 0.18 tons sa Loyola Memorial Park; at 3.04 cu.m. o 0.86 tons sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.

National

First Family nagbakasyon sa Suba Beach, Ilocos Norte sa Huwebes Santo

Kumaunti, ayon kay Nebrija, ang mga basura dahil bumaba ang bilang ng mga bumisita sa mga sementeryo at malaking tulong ang araw-araw na paglilinis ng pamunuan katuwang ang lokal na pamahalaan.

NAGING MAPAYAPA

Payapa sa pangkalahatan ang paggunita ng Undas sa Metro Manila, sinabi kahapon ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Ayon kay NCRPO Regional Director Oscar Albayalde, “generally peaceful” ang paggunita ng All Saints’ Day dahil walang naitalang anumang insidente sa lahat ng 82 sementeryo sa Maynila.

Ayon pa kay Albayalde, wala ring naitalang insidente ng robbery at snatching sa loob ng mga sementeryo ngunit may ilang batang napahiwalay sa kanilang magulang at agad din namang naibalik.

Kaugnay nito, nagpaabot ng pasasalamat si Albayalde sa publiko sa kooperasyon ng mga ito, partikular na ang mabusising pag-inspeksiyon sa kani-kanilang bag at iba pang bitbit bago pumasok sa sementeryo.