Ni: Orly L. Barcala

Habang isinusulat ang balitang ito kahapon ay nasa malubhang kalagayan ang isang magkaibigan nang kursunadahin at pagsasaksakin ng mga hindi kilalang lalaki sa Valenzuela City, Linggo ng hatinggabi.

Nasa ospital pa sina Franco Reginaldo, 25, construction worker; at Rustom Botanio, 23, kapwa stay-in sa Goodland Subdivision, Barangay Malanday.

Nagtamo si Reginaldo ng malalim na saksak sa dibdib, habang si Botanio ay may malalim na sugat sa ulo dahil sa palo ng bote ng alak.

National

PBBM admin, nagsisilbing ‘totoong kalamidad’ sa ‘Pinas – Maza

Sa report ni SPO3 Restie Mables, ng Station Investigation Unit (SIU), bandang 11:45 ng gabi at nagpapatrulya ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP)-6 sa harap ng Woodland Subdivision sa Bgy. Malanday nang makita nila ang mga duguang biktima na kapwa nakahandusay sa kalsada.

Ayon kay SPO3 Mables, posibleng nakursunadahan ang magkaibigan habang papauwi sa tinutuluyan, lalo pa at kapwa umano nakainom ang mga ito.

“Dis-oras na kasi ng gabi, malamang napagtripan kaya sinaksak,” anang imbestigador.

Inaalam pa ng pulisya kung may CCTV camera sa pinangyarihan ng krimen, upang makilala ang mga suspek.