NAGTUTULUNGAN ang Pilipinas at ang Israel upang magkasamang protektahan ang mga whale shark, ang pinakamalaking isda, bilang ang bansa ang punong abala sa pinakamalaking wildlife conference sa mundo, na gaganapin sa bansa ngayong linggo.
Magsusumite ng panukala ang mga gobyerno ng dalawang bansa, kasama ang Sri Lanka, upang mapabilang ang whale shark sa Convention on the Conservation of Migratory Species of Wild Animals, at magbubuo ng work plan para sa lahat ng miyembrong bansa upang pag-ibayuhin ang pagbibigay ng proteksiyon sa naturang isda sa gagawing wildlife conference.
Sa bansa gaganapin ang 12th Conference of Parties to the Convention on the Conservation of Migratory Species of Wild Animals sa Oktubre 23 hanggang 28.
Ang okasyon ang kauna-unahang CMS conference na gaganapin sa Asya mula nang isangguni ang international treaty sa Bonn, Germany noong 1979 at maisakatuparan noong 1985.
Bilang bahagi ng Israel Embassy sa academic program sa Maynila, tatalakayin ni Dr. Simon Nemtzov, eksperto sa mga migratory species mula sa Israel, ang “The Challenges of Dealing with Human-Wildlife Conflicts in Conserving Israel’s Exceptionally Rich Wildlife Biodiversity” sa University of the Philippines sa Diliman, Quezon City sa Miyerkules, Oktubre 25, at sa De La Salle University sa Maynila sa Huwebes, Oktubre 26.
Aabot sa 1,000 kinatawan mula sa 124 na bansang kasapi sa convention ang aasahang dadalo sa 12th Conference of Parties to the Convention on the Conservation of Migratory Species of Wild Animals. Binubuo ito ng matataas na pinuno at mga kinatawan mula sa iba’t ibang organisasyon, pribadong kumpanya, at mga institusyon na pangunahing nagsusulong sa kapakanan ng migratory species. - PNA