Ni Gilbert Espeña

NASOPRESA at naguluhan si ALA Promotions President Michael Aldeguer sa utos ng International Boxing Federation (IBF) na magkaroon ng rematch sina IBF light flyweight champion Milan Melindo at ang No. 6 contender na si Hekkie Budler.

Iniutos nitong Biyernes ng IBF ang kaagad na rematch nina Melindo at Budler matapos ang kung anu-anong imbentong protesta ng manager ng South African boxer na si Colin Nathan.

“I am still in shock,” sabi ni Aldeguer sa Philboxing.com. “We will go over this and will surely make an appeal to the IBF.”

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Naipagtanggol ni Melindo ang kanyang IBF light flyweight belt sa 12-round split decision na panalo laban sa nang-uulong si Budler ngunit inireklamo ni Nathan ang Amerikanong referee na si Wes Melton na nagkaloob ng knockdown kay Melindo sa12th round.

Inireklamo rin niya si Japanese referee Takeo Harada sa pag-iskor ng 117-110 pabor kay Melindo pero hindi kumibo sa iskor ni New Zealander Glenn Trowbridge na 115-112, para rin kay Melindo.

Ang tanging pumabor kay Budler ay si Australian referee Carl Zappia na umiskor ng 115-113 para sa South African gayong malinaw na bumagsak ito sa 12th round.

Nanaig sa protesta ni Nathan na pinahalagahan ng IBF ang reklamo laban sa cornerman ni Melindo na si Edito Villamor, na pinagkalooban ng 60-second break ni Melton para ma-check ng ring physician ang sugat ng Pilipino sanhi ng head butt.