Ni REGGEE BONOAN
KUNG hindi naunahan ng nerbiyos at takot si Danita Paner, nasa seryeng La Luna Sangre pa rin sana siya bilang isa sa mga alagad na bampira ni Sandrino/Supremo/Gilbert Imperial (Richard Gutierrez).
“Nag-guest po ako ng isang episode sa La Luna Sangre as a vampire, pero umalis po ako. Hindi naman po ako namatay doon,” sagot ni Danita nang makatsikahan namin nang solo at alamin kung bakit siya umalis sa serye nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.
Bakit siya umalis?
“Naku, ang hirap po i-explain, paano ba ito? Sa schedule? Paano ba?” alanganing sagot ng dalaga na muling pumirma ng limang taong kontrata sa Viva Artist Agency.
Inamin ni Danita na natakot siya kay Direk Cathy Garcia-Molina, ang dating direktor ng La Luna Sangre, kaya nagkusa siyang umalis nang makatikim siya ng sigaw.
“Hindi ko po kasi napaghandaan ‘yung sigaw, so natakot ako, first time ko pong maka-experience ng ganu’n. Hindi po ako sanay. Hindi naman po ako minura, pero natakot po talaga ako as in nanginig ako,” seryosong kuwento ni Danita.
“Gustung-gusto ko po ‘yung role ko na may trabaho ako, pero hindi po ako makapag-isip, hindi ako makapagtrabaho sa sobrang takot, as in nanginginig po talaga ako.”
Ngayong ipinasa na ni Direk Cathy ang serye kay Direk GB Sampedro, dahil naging priority project ang Seven Sundays, aminado si Danita na nanghinayang siya. “Oo nga po, si Direk GB na raw, sayang nga po.”
Paano kung ibalik siya sa LLS?
“Ay, naku, gusto ko po, pero paano? Kaya pa ba? Kasi ako po ‘yung nag-back out. Sana po, we’ll see.”
Wala pa raw kasing nakatrabaho si Danita na tulad ni Direk Cathy, sa huli niyang serye na Magpahanggang Wakas nina Jericho Rosales at Arci Muñoz sa RSB unit ay hindi naman siya nakatikim ng sigaw kina Direk FM Reyes at Raymund Ocampo.
Binanggit namin kay Danita na matapang din si Direk FM.
“Opo, pero hindi po ako nasigawan, magaling po siya, blocking pa lang umiiyak na siya, so mararamdaman mo po ang eksena,” saad ng dalaga. “First director ko po si Direk Eric (Quizon), si Direk Toto Natividad sa TV5. Naiintindihan ko naman po ‘yung ibang direktor na kaya siguro nagagalit o naninigaw ay para lumabas sa artista kung ano’ng dapat, eh, hindi lang po ako talaga sanay,” paliwanag ng singer/actress.
Walang regular show o project ngayon si Danita, kaya sana raw matulungan siya ng Viva Artist Agency.
“Aaminin ko po in six months po na wala akong work, talagang sobrang lungkot ko, nag-iisip ako. Hindi naman ako na-depress kaya hindi naman ako nag-iisip ng kung anu-ano, iniisip ko kung paano ako magkakaroon ng trabaho, na-miss ko ang tapings,” say ng dalaga.
Mabuti na lang, isa siya sa sampung magkakasosyo sa Tipsy Pig Resto-Bar sa Bonifacio Global City. Ang ilan sa business partners niya ay sina Vice Ganda, Yassi Pressman, Bela Padilla at non-showbiz na ang iba.
“Ang founder po yata no’n sina Neil Arce, Tita Marjorie (Barretto), ‘yun po ‘yung team nila,” sabi ni Danita.
At in less than two years ay ROI (return of investment) na raw kaya naghahanap ngayon si Danita ng bago niyang business.
Tulad ng panganay mong si Karl, Bossing DMB, gusto rin ni Danita na mag-franchise ng Potato Corner.
“Kaya lang po, ang mahal na ngayon kasi dati mura lang, simula nu’ng kumuha na si Kris (Aquino) ng franchise, tumaas na ang value. Sa kanya na po ba lahat ang Potato Corner sa malls?” balik-tanong sa amin ng dalaga at sinabi naming hindi naman.
May non-showbiz boyfriend siya, businessman at konektado rin sa food business na ayaw niyang tukuyin dahil pribadong tao ito.
Okay naman na raw sa Mommy Daisy Romualdez niya ang karelasyon niya ngayon dahil nasa wastong gulang na siya at hindi na siya gaanong hinihigpitan.
Hindi itinanggi ni Danita na nagrebelde siya noon sa nanay niya.
“Siyempre po sa edad na 18, gusto mo namang lumabas, ma-experience ‘yung mga ginagawa ng kaklase mo. Hindi po ako pinapayagan noon, sobrang higpit talaga ni mommy, sakal talaga ako. Ito ‘yung nag-fly away talaga ako, pero okay naman na. Kasi hindi ko naman mararating ang lahat kung hindi ako natuto nu’ng umalis ako sa amin.”
Ito raw ‘yung panahong naging boyfriend niya si Kean Cipriano sa edad na 18 at dahil bata pa siya, hindi pabor ang magulang niya.
“Okay naman po kami ni Kean na, walang isyu, si Chynna (Ortaleza) schoolmate ko sa OB (Montessori-San Juan). Nagkita nga po kami sa wedding, na-establish na namin ang friendship,” nakangiting kuwento ni Danita.
Napansin namin ang rosaryong naka-tattoo sa kanang kamay ni Danita.
“Ay, nakuha ko po ‘yan noong 18 years old ako, hindi ko pinag-isipan, nagsisisi nga ako, gusto kong ipatanggal ‘kaso masakit. Kasi, di po ba, usung-uso naman noon ang tattoo, banda-banda, kaya nagpalagay ako. Hindi ko naisip noon ang epekto. Kaya gusto kong ipatanggal kasi kitang-kita,” pag-amin niya.
Samantala, sa limang taong kontrata niya sa Viva ay gusto niyang mabigyan siya ng TV at movie project.
“Pero sabi ni Boss Vic, gagawa raw ako ng album, bale second album kung matutuloy kasi first album ko dito rin sa Viva 17 years old pa lang ako noon,” say ni Danita.
Gustung-gusto pa rin niyang makatrabaho si Jericho at kung may project kasama si Piolo Pascual ay okay din sa kanya dahil hindi pa niya ito nakakasama.